Saludo pa rin kay Dado

SA BODY language pa lang ay alam ko nang may kakaibang nangyayari.

Sa gitna ng masayang videokehan naming magkakaklase ay nilapitan ni Malou si Fely, na biglang tumayo at dumiretso sa kwarto kung saan, isang oras pa lang ang nakararaanm ay pumasok si Dado upang “magpahinga sandali.”

Maya-maya ay humahangos na bumalik sa umpukan si Fely; kailangan daw dalhin sa ospital si Dado. Nahihirapan daw huminga. Kasabay nito ay ang malakas na iyak ni Malou, misis ni Dado, at ang kaisa-isa nilang anak na si Lengleng.

Mabilis na ang mga sumunod na pangyayari. Humangos ang ilan sa kwarto upang alalayan si Dado, tumawag ng ambulansya si Romeo. Si Totoy naman ay nagpaandar ng motorsiklo upang sunduin ang drayber ng ambulansya.

“Anak ng…! Ako dispatcher ng ambulansya ng Bocaue tapos ako ngayon ang hindi makakuha!” inis na sagot ni Romeo.

Mabuti na lamang at nandoon si Gerry dala ang Mitsubishi Adventure niya.  Hindi na namin nahintay ang ambulansya kaya’t binuhat ni Edsan si Dado mula sa kwarto hanggang sa sasakyan ni Gerry. Habang tinutulungan ko makasakay si Dado ay naisip ko, “Napaka-ironic naman. ’Wag naman po, Diyos ko!”

Isang oras bago sumpungin si Dado ay game na game pa itong nagbigay ng mensahe (kahit halatang hirap magsalita dahil sa malaking bukol sa leeg) sa harap ng video upang i-post sa facebook para mapanood ng ibang ka-batch na di nakapunta at ‘yung mga nasa abroad.

May kanser si Dado, o si Diosdado dela Cruz, ang corps commander at lider ng batch namin.  Tatlong sunod-sunod na linggo na naming siyang dinadalaw, sinusubukang bigyang pag-asa, lakas at aliw ang aming kaibigan.

“Salamat, Fortune,” sabi niya sa akin sa kalagitnaan ng kanyang speech. Tumingin siya sa akin nang nakangiti, na ikinangiti ko rin. Saka kami nagtawanan.

Ganun kasi kami, magkatinginan lang ay mangngingitian kasunod ng tawanan. Alam na kasi namin ang kasunod naming sasabihin ay pagbibiruan at pagkakantiyawan.

Noong nakaraang linggo ay masaya kami’t lumalakas si Dado. Itong nakaraang Sabado, halatang mas malakas at masigla pa siya kaya dobleng saya din kami.

Nang matapos siyang magsalita ay may kumantiyaw sa kanya (si Arnel at Alex ‘ata) na “isang kanta naman!” At nagulat kami dahil kumanta nga si Dado!

Ilang sandali matapos kumanta ay naglakad pa si Dado papasok ng kanilang bahay (sa labas kami nag-videoke). Magpapahinga muna raw siya.

Sa ospital, lahat ay di mapakali. Lahat ay tahimik, maliban kay Romeo na alam naman naming sira ang preno ng bunganga.

Lumabas si Fely, Mercy at Bhaby mula sa emergency room na may magandang balita. Okey na raw si Dado.

“Ows? Talaga?” tanong ko sabay hinga nang maluwag.

“Talaga,” sabi ni Bhaby. “Nagbibiro pa nga eh.”

“Ano’ng sabi?” tanong ko.

“Tinatanong kung na-video ko siya nung inaatake siya.”

“Bakit daw?”

“Para raw mai-post sa facebook!”

Natawa ako. Nangiti ako. Lumalaban si Dado, naisip ko. May panalo pa.- Fort Nicolas

loading...

About admin

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply