Sandiganbayan, Ombudsman tinatarantado ang bayan

NAPAKALAKI ang pagtitiwala ng sambayanan sa mga pulis, hukom at piskal.

Pero sa nagaganap, masisisi ba natin sila kung magkaroon sila ng pagdududa sa mga ito?

Sangkaterba ang mga krimen na kinasasangkutan ng mga pulis.

May nangre-rape sa kanilang hinuhuli gaya ng ginawa ng isang pulis-Manila Police Department. Ang masakit dito, mismong sa loob ng Headquarters ng MPD ginawa ang panggagahasa.

Hindi ba sobrang paglapastangan yan mismo sa ngalan at dangal ng kapulisan?

Sa Quezon City, 11 na pulis ang sangkot sa kidnapping sa tatlong Indian national at pag-salvage sa dalawa sa mga ito. Ang bangkay ng dalawa ay natagpuan nang magkahiwalay sa Bataan at Pangasinan.

Sabi, aanim pa lang ang iniimbestigahan sa mga ito.

Tila walang kusa, mga Bro, ang mga pamunuan ng QCPD na silipin ang pre-operational plan at ang listahan ng mga pulis na ito na isinumite sa Southern Police Department para sa koordinasyon laban sa mga biktima. Diyan makikilala ang lahat ng mga pulis na sangkot at dapat na idamay ang dapat na idamay.

Paano mo tatatakan ang bawat police mobile car at istasyon ng “We serve and protect the people” kung pagpapatayin naman ng mga pulis ang kanilang mga inaaresto?

oOo

Tila tinatarantado naman ng Sandiganbayan at Ombudsman ang sambayanan kaugnay ng kasong pandarambong ni Heneral Carlos Garcia.

Akalain ba nating noon pa palang Mayo 4, 2010 inaprubahan ng Sandiganbayan ang kasunduan para sa plea bargaining ng Office of the Ombudsman at ni Garcia para umamin ang huli sa direct bribery sa halip na sa plunder.

Sa direct bribery, may piyansa kaya sure na sure na makalalaya si Garcia gaya ng nangyari na at hindi katulad sa plunder na mabubulok sana ito sa kulungan.

Anak ng 300 milyong putakte, kunwari lang na kamakailan lang sila gumawa ng plea bargaining at nag-isyu pa ang Sandiganbayan ng gag-order upang hindi umano makagulo sa pagdedesisyon nito sa kasunduan…kung aaprubahan o hindi.

Kakambal ng plea bargaining ang pagsasauli ni Garcia ng P130M lang na kayamanan mula sa P300M nakaw o tagong yaman nito.

Anomang reaksyon o reklamo ay maaaring i-text o itawag sa 09214303333.

Maaari n’yo rin pong mabasa ang ULTIMATUM sa www.remate.ph. Benny Antiporda

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply