Pamamahagi ng Arroyo hacienda, hinarangan

MUKHANG mauudlot na naman ang katuparan ng pangarap ng mga magsasaka sa Negros Occidental na mapasakanila ang kanilang lupang sinasaka na pagmamay-ari ng pamilyang Arroyo ngunit napasailalim na sa Comprehensive Agrarian Reform Program (CARP) ng gobyerno.

Sa desisyon kamakailan ng Korte Suprema, pinigilan nito sa pamamagitan ng temporary restraining order ang Land Registration Authority at ang Register of Deeds (ROD) na kanselahin ang titulo ng lupang sumasakop sa 157 ektaryang sugar hacienda sa Brgy. Guintubhan, Isabela, Negros Occidental.

Ang nasabing lupain na kilala sa pangalang Hacienda Bacan ay matagal nang isinailalim ng Department of Agrarian Reform (DAR) sa CARP para ipamahagi ito sa mga nagsasaka ng hacienda.

Nitong nakaraang Oktubre 2010, kinansela ng ROD ang lumang titulo nito na nakapangalan sa Rivulet Agro-Industrial Corporation na kontrolado ng pamilyang Arroyo.

Ang kanselasyon ang nagbunsod sa DAR upang makagawa at makapag-isyu ng bagong titulo na tinatawag na certificate of landownership award (CLOA) na ipinangalan sa mga nagsasaka ng nasabing hacienda noon ding Oktubre ng nakaraang taon.

Ngunit sa kabila ng nagawa nang CLOA, kinatigan ng Korte Suprema sa December 15, 2010 ruling nito ang Rivulet at pinagbawalan ang gobyerno na mag-isyu ng CLOA para sa mga farmer-beneficiary ng CARP.

“Now therefore, you, the Administrator of the Land Registration Authority and the Registrar of Deeds, Negros Occidental, and/or all persons acting upon your order or, in your place or stead effective immediately and continuing until further orders from this Court, are hereby enjoined (a) from canceling Transfer Certificate of Title No. 105742 in favour of petitioner Rivulet Agro-Industrial Corporation…” anang bahagi ng desisyon na ipinalabas ni Chief Justice Renato Corona.

Makailang beses nang naglunsad ng pagkilos at hunger strike ang mga magsasaka ng Hacienda Bacan para mapasakanila ang lupain na anila’y ipinangako noong 2001 ng noo’y Presidente Gloria Macapagal-Arroyo na ipapamahagi na sa pamamagitan ng CARP.

Ngunit halos sampung taon simula ng nasabing pangako ay di pa rin binibitawan ng pamilyang Arroyo ang hacienda.

Nakamatayan na ng isa sa farmer-beneficiaries ang paghihintay na mapasakanya ang lupang pinagtrabahuhan niya ng higit sa 35 taon.

Noong November 18, 2010, habang nagkakampo ang mga magsasaka ng hacienda sa labas ng tanggapan ng DAR sa Quezon City, di na nagising si Rogelio Salva, 61, sa kanyang hinihigaang folding bed sa campsite.

loading...

About remate.tonight

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply