Security camera sa loob ng bus ipatupad

PANAHON na rin siguro para gawing batas ang paglalagay ng mga security camera sa loob ng mga pampasaherong bus bilang isa sa mga pangunahing hakbang upang supilin ang anumang banta ng terorismo katulad ng naganap kamakailan sa EDSA-Buendia, Makati City na ikinasawi ng lima katao at ikinasugat pa ng 13 iba pa.

Pangalawang beses nang nangyari ang ganitong malagim na trahedya sa bus na likha ng grupo ng mga terorista. Ang una ay sa EDSA, Makati rin sa bahagi ng loading at unloading area malapit sa Ayala Avenue noong Pebrero 14, 2005.

Sa madaling salita, wala ng puwang sa isipan ng taumbayan ang ikatlong insidente pa.

Malaki ang maitutulong ng security camera sa loob ng bus. Maire-rekord nito ang sumasakay at bumababang mga pasahero.

Sakaling may mangyaring hindi magandang insidente sa loob ng bus ay tiyak na malaki ang maitutulong ng security camera sa imbestigasyon ng pulisya.

Hindi naman siguro papalag pa ang mga bus companies sakaling ipatupad ito.
Tutal, panay din naman ang hingi nila ng increase sa pamasahe.

* * * * * * * *
Foreign terror groups sa PH imbestigahan; katiwalian sa BI tiyak na lilitaw

Kung  totoo ang balita na foreign terrorists ang nasa likod ng pambobomba sa EDSA, Buendia, tiyak na katakot-takot na travel advisories ang ipararating ng mga bansa sa mga nasyunal nila na nais magbakasyon dito sa atin.

At kung paano nakapasok ang mga teroristang ito sa ating bansa ang dapat
imbestigahan ng mga awtoridad.

Kasama sa mga dapat imbestigahan ay itong mga field officers ng Bureau of
Immigration lalo na ‘yung mga naka-destino sa Mindanao at Palawan.

Sa mga lugar na ito kalimitan dumaraan ‘yung mga foreigners na baluktot o peke ang mga travel documents.

Katulad na lamang ng sindikato ng human smuggling ng mga Bumbay. Sa Palawan ang paboritong bagsakan nila ng kanilang mga kliyente na itinatawid muna sa Sabah.

Sa dami ng nakalusot na Bumbay sa Palawan, malamang na may nakalusot na isa o
dalawang terorista sa mga ito.

Kahit itanong n’yo pa sa agents ng BI, maluwag ang smuggling ng mga foreigners nu’ng nakaraang administrasyon ni Ginoong Nonong Libanan!

* * * * * * * *
Kung totoo ang inihayag ni retired Col. George Robusa, dating budget officer ng AFP, na may P50 milyon ‘pabaon’ itong si dating Defense secretary at General Angelo Reyes noong mag-retiro siya sa panunungkulan bilang chief of staff ng Armed Forces of the Philippines (AFP), dapat lang na paimbestigahan ito ni Pangulong Aquino nang sa gayon ay matigil na ang ganitong sistema sa liderato ng ating militar na may ilang dekada na rin palang nagaganap.

Hindi lang si Reyes ang tumanggap ng sinasabing salapi ng taumbayan kundi ang iba pang mga nagsipag-retirong mga heneral ng AFP na pawang nagmula o produkto ng Philippine Military Academy (PMA).

Kapani-paniwala si Robusa dahil sinasabi niya ang kanyang nalalaman kahit na alam niyang sangkot din siya sa anomalya. Ibig sabihin, handa rin niyang harapin sakaling makasuhan sila tungkol dito.

At kung totoo nga ang expose ni Robusa laban kay Reyes at sa iba pang heneral na iligal na tumanggap ng pera ng taumbayan, walang magandang gawin ang gobyerno natin kundi ang kumpiskahin o bawiin ang mga perang napunta sa mga heneral.

May pabaon ka na, may pensyon ka pa!

Teka, kung may ganyang sistemang pabaon sa AFP, meron din sa mga heneral ng PNP?

* * * * * * * *
Anumang reklamo, komento o suhestiyon, text o tawag lang sa 0927-9117770 o e-mail lang sa boyetmunar@yahoo.comat malugod ko kayong paglilingkuran!
Boyet Munar

About admin

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply