Security plan sa pista ng Quiapo, kasado na!

NAGPALABAS na ang Manila Police District ng security plan  hinggil sa napipintong pagdagsa ng maraming tao sa kapistahan at ika-404th selebrasyon ng Black Nazarene sa linggo sa Quiapo Maynila.

Ayon kay Chief Supt Roberto Rongavilla, MPD Director, ang pagpapakalat ng tinatayang 3,000 kapulisan ay manggagaling sa MPD at National Capital Region Police Office  (NCRPO) na siyang magbibigay ng seguridad sa nasabing selebrasyon.

“May augmentation tayo na manggagaling sa NCRPO para tulungan tayo na masecure ang mga deboto na magpupunta sa Quiapo Church. Yung iba dyan nanggaling pa sa probinsya. We will be placing the entire Manila on heightened alert once the devotees started coming in,” ayon kay Rongavilla.

Dagdag pa ng director na mas mabuting huwag nang magdala ng bata sa kapistahan ng Quiapo at huwag ding magdadala ng malaking pera upang makaiwas sa anumang kriminalidad.

Ayon naman kay Police Chief Insp.Erwin Margarejo,MPD-Spokesperson na kasama  sa mga magbibigay ng seguridad ay ang Intelligence monitoring  sa lahat ng mga establisyemento malapit sa simbahan, crime watch volunteer, medical teams kasama na rin ang ambulansiya, fire volunteers maging ang Non Government Organization (NGO) na magbabantay at aantabay sa anumang posibleng kaganapan sa paligid ng simbahan lalo na sa araw ng prusisyon.

Samantala, sa darating na January 7, ay magsisimula ang prusisyon ng mga replica ng itim na Nazareno, habang sa January 8 naman ang Vigil at pahalik sa poon na gaganapin sa Quirino Grandstand dakong alas-5:00 p.m.

“I hope they would not bring their children to join because of the big number of people that usually join the procession,” payo ni Rongavilla.

Matatandaan  na isang Rodrigo Omampo ang namatay noong nakaraang taon habang isinasagawa ang prusisyon ng Black Nazarene matapos itong atakihin.

Mananatili na ang Poong Nazareno sa Quirino Grandstand hanggang sa magdamag at magkakaroon ng misa na mag-uumpisa dakong 6:00 ng umaga ng January 9 at 7:00 ng umaga ay sisimulan na ang prusisyon.

Kabilang sa rutang daraanan ng Black Nazarene ay mula sa Quirino Grandstand (Rizal Park) ay kakanan ito sa Katigbak Drive patungong P. Burgois; kakaliwa sa Taft Ave., (P. Burgos) mula sa McArthur bridge, kakanan sa Palanca mula sa ilalim ng Quezon Brdige, kakaliwa sa Quezon Blvd., kakanan sa Arlegui, kakanan sa Fraternal, kakanan sa Vergara, kakaliwa sa Duque de Alba, kakaliwa sa Castillejos, muling kakaliwa sa Farnecio bago kakanan sa Arlegui, kakaliwa sa Nepomuceno, kakaliwa sa Aguila bago kakanan sa Carcer, kakaliwa sa Hidalgo mula sa Plaza Del Carmen, kakaliwa sa Bilibid Viejo mula sa Puyat, kakaliwa sa Guzman bago kakanan sa Hidalgo, kakaliwa sa Barbosa, kakanan sa Globo de Oro mula sa Quezon Brdige, kakanan sa Palanca, muling kakanan sa Villalobas bago tutuloy sa Plaza Miranda patungong Quiapo church.

Matatandaan na ang itim na estatwang kahoy  ng Nazareno ay dinala sa Maynila nang grupo ng Augustinian Recollect friars mula Mexico noong May 31, 1606.  Unang dinala ang kanyang estatwa  sa first Recollect Church sa Bagumbayan ( na bahagi na ngayon ng Rizal Park) saka inilipat ito sa mas malaking simbahan , ang Recollect Church  sa Intramuros, Manila noong 1608.

Noong 1787, ipinag-utos ng  Arsobispo ng Maynila na si Basilio Sancho de Santas Junta y Rufina ang  paglilipat ng imahe ng Nazareno sa Quiapo Church kung saan nailigtas ito noong nasunog ang simbahan noong 1791 at  1929, isang malakas na lindol noong 1645 at 1863 at ang pambobomba sa Maynila noong World War II  noong 1945. Jocelyn Tabangcura-Domenden

About admin

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply