Sindikatong Koreano-Immigration officials imbestigahan

MALINAW pa ngayon sa liwanag ng buwan kung paano ang ginagawang kalakaran ng ilang tulisan diyan sa loob ng Bureau of Immigration – kasama na rito ang ilan sa mismong mga namumuno sa ahensiyang ito.

Ito ‘yung pakikipag-kuntsabahan nila sa mga foreigners kapalit ng malaking
halaga para lokohin ang patakaran o polisiya ng nasabing ahensiya kaugnay sa mga banyagang narito sa ating bansa.

Katulad na lang halimbawa ng pagkuha ng student study permit (SSP) mula sa BI ng mga estudyanteng Koreano na nais magsipag-aral ng salitang ingles sa iba’t-ibang Korean language centers na matatagpuan sa Metro Manila, Cavite, Batangas, Quezon, Baguio, Angeles, Cebu, Iloilo at Dumaguete.

Nagkakahalaga ng P6,600 ang SSP subalit dahil sa kuntsabahan ng ilang Koreano at immigration officials, nabale-wala na ang SSP. Naaayos ang papeles ng isang estudyanteng Koreano sa pamamagitan ng “under-the-table arrangements” na may halagang P3,000.

At nangyayari ito dahil totoong may grupo  ng mga Koreano na malakas ang
koneksyon sa BI.

Tinatayang umaabot sa 40,000 hanggang 50,000 ang bilang ng mga Koreanong nag-aaral ng salitang ingles dito sa atin.

Ibig sabihin, dahil sa kuntsabahang ito ay ilang daang-milyong piso din ang
nawawala sa kaban ng BI kada taon.

Hindi sana ito mabubuko ng publiko kundi na-raid nitong nakaraang linggo ang isang Korean Language Center sa Lemery, Batangas kung saan natunton ang 80 menor-de-edad na Koreanong mag-aaral na pawang walang taglay na SSP mula BI.

Wala ring permiso mula DepEd o CHED ang nasabing language learning center.

Anim pang mga Koreanong empleyado ng nasabing language learning center ang nadakip matapos mapag-alaman na wala silang working permit.

Kailangan ang mabilisang aksyon dito ni Justice Secretary Leila de Lima, ang
totoong “boss” ng BI. Ipasuring mabuti ang mga papeles ng nagkalat na mga Korean language learning centers sa buong bansa.

Tiyak na maraming iligal ang mahuhuli mula sa mga ito!

* * * * * * * *

CLUB 9 sa Pasay ipinasara

Kamakailan ay ipinatupad ni Pasay City Mayor Tony Calixto ang pagpapasara sa Club 9 KTV sa Roxas Boulevard, Pasay City kaugnay sa reklamong exploitation of minors na isinampa ng pulisya ng lungsod sa pangunguna ni Senior Supt. Napoleon Cuaton, ang chief of police ng Pasay.

Kasama nina Mayor Calixto at Senior Supt. Cuaton sina City Administrator Bong Serrano at Business and License Permit chief Boyet del Rosario nang dalhin ang closure order sa naturang establisimento noong Lunes ng hapon.

Dalawang menor-de-edad na kababaihan kasi ang nabawi mula sa loob ng nasabing club nang magsagawa ng raid ang pulisya ng lungsod bunsod ng reklamo ng mga magulang ng mga bata.

Huli sa aktong nagta-trabaho ang mga batang babae bilang mga GROs (guest
relation officers) sa loob ng nasabing club. Asuntong katakot-takot ang inabot
ng mga “bosing” ng nasabing club pati na rin itong si Tony Bufete na tumatayong OIC.

Magsilbing-aral sana ito sa iba pang mga club sa Pasay. Huwag kayong tatanggap ng mga menor-de-edad at magpapa-bold dahil tiyak na sarado agad kayo!

Pero may nagsumbong sa akin na maraming “milagrong” nagaganap diyan sa loob Vocano Club KTV sa Taft Avenue malapit sa Libertad St., Pasay City.

Lintek daw ang bold shows at gimikan sa loob ng club na ito.

Sa pagkaka-alam ko ay may closure order na ang club na ito at pirmado na ni
Mayor Calixto noong nakaraang taon pa.

Pero ano kaya ang nangyari at hindi naipatupad ang closure order?

* * * * * * * *
Anumang reklamo, komento o suhestiyon, text o tawag lang sa 0927-9117770 o e-mail lang sa boyetmunar@yahoo.com at malugod ko kayong paglilingkuran!

loading...

About admin

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply