Siyam-siyam na ang kalamidad, 10-12 pa ang mga disgrasya

TILA inaabot tayo ng matinding kamalasan.

Pero minamalas nga ba tayo o may ibang mga dahilan ng mga kalamidad at disgrasya na ating dinaranas?

Nito kasing nakaraang mga araw, siyam-siyam na disgrasya ang naganap sa repablik ni Juan.

Nahulog sa gondola o temporari elebeytor mula sa 23rd floor sa 7th floor ang 11 obrero ng isang gusali na pinatatayo ni Lucio Tan.

Unang nalagutan ng hininga ang siyam sa mga ito pero wala pang 24 oras, humabol ang pang-10.

Eh puro underpaid pa o malayo sa minimum ang sinasahod ng halos lahat ng mga obrero roon na karaniwang inaasahan sa buhay ng kani-kanilang mga pamilya.

Sa Navotas naman, na-trap at na-kremeyt nang wala sa oras ang dalawang pamilya sa malaking sunog doon.

Natagpuan ang mga abo at bangkay ng ilan sa mga biktima kahapon.

Nasa 12 sa huling bilang ang natagpuang patay sa lugar.

oOo

Sa Kabikulan, Kabisayaan at Kamindanaoan, siyam-siyam na ulan naman ang nagpapahirap sa lahi ni Juan doon.

Umabot sa dalawang milyong katao ang nakaranas ng kamatayan, pagkakasakit, kawalang ng tahanan at ikabubuhay at marami sa mga ito ang hindi na umaasa ng magandang kinabukasan.

Hindi umaasa ang marami ng magandang kinabukasan sa darating na mga buwan at taon dahil sinira ng baha at lanislayd ang kanilang mga hanapbuhay at ari-arian.

Yung mga namatayan ng mga ama, ina o sinomang nagtataguyod ng kanilang buhay ay lalong nagdidilim ang kanilang kinabukasan.

oOo

Bakit kaya nagaganap ang lahat ng ito?

Minamalas ba tayo o sadyang sarili nating kagagawan ang lahat ng ito?

Maaaring malas. Pero tiyak na may parte tayo sa mga trahedyang ito.

At malaking bahagi ang kagagawan ng mga onorabol.

Sa disgrasya sa Makati, lumalabas na tila walang inspektor ng Labor Department sa lugar kaya hindi nakontrol ang pagsakay sa elebeytor.

Wala ring nangyayari sa batas ng minimum weyds.

At ito ang tatandaan ninyo, Suki, hindi kaya  palatandaan ng darating na Public-Private Partnership program ni PNoy ang konstraksyong ito ni Lucio Tan?

Pagdating ng PPP na yan, hindi kaya lalong aging inutil ang Labor Department?

Ang mga siyam-siyam na ulan, baha at lanislayd naman ay bunga pangunahin ng legal logging na pinagkakakitaan ng mga onorabol at kasosyo nilang logger.

Yang mga karabaw logging ay maliliit lang, Suki. Hindi nakakakalbo ng mga bundok.

Yang pagkakaingin ay kakaunti rin.

Ang daang libong ektarya na logging area katulad ng sa Taggat Industries sa Luzon noon ang talagang kumakalbo sa mga kagubatan.

Dito nagsimula ang mga pagguho ng mga bundok at pagbabaha nang todo na pinagmumulan ng mga kalamidad.

Ngayon, ano ang ginagawa ng Department of Environment and  Natural Resources?

Masipag sa pag-iisyu ng mga logging permit kongresman at senador pero walang pakialam sa reporestaesyon o pagtatanim ng mga puno.- Rey Briones

loading...

About admin

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply