Solon na nagalit sa PAL worker nasa ‘hot seat’

NAHAHARAP sa magkahiwalay na reklamo sa Ombudsman at sa House ethics committee ang isang kongresista matapos itong pagsalitaan ng masakit ang isang empleyado ng Philippine Airlines (PAL) bago ito tumulak papuntang Estados Unidos.

Ito ay matapos kumpirmahin ni PAL Customer Service Agent 3 Sara Bonnin-Ocampo na maghahain siya ng magkahiwalay na kasong kriminal sa Ombudsman at sa House ethics committee laban kay Alliance of Volunteer Educators (AVE) Rep. Eulogio “Amang” Magsaysay Jr.

Kaninang umaga, kinondena ng mga miyembro ng Philippine Airlines Employees Association (Palea) ang umano’y masamang ugaling ipinakita ni Magsaysay, na umano’y nananakot at nagbanta kay Ocampo na ipatatanggal sa trabaho.

Ito ay sa kabila ng paghingi ng paumanhin ni Magsaysay kay Ocampo.

Ipinahayag ni Ocampo na tinawag umano siyang “menopausal bitch” ni Magsaysay nang hindi mapagbigyan ang kahilingan ng kongresista na makatabi niya ng upuan ang kanyang mga anak sa flight patungong Los Angeles sa Estados Unidos nitong nagdaang Disyembre.

Si Ocampo, kasama ang kaniyang mga abogado na sina Atty. Artemio Amon at Atty. Evalyn Ursua, ay nakatakdang magsampa ng hiwalay na reklamo sa Ombudsman at sa Kamara sa Enero 17, 2011.

Si Magsaysay ay naging kongresista noong ika-13 Kongreso, subalit sa sumunod na eleksyon ay hindi nakapasok ang kanyang party-list sa listahan ng mga nanalo.

Ang kasalukuyang ika-15 Kongreso ang ikalawang pagkakataon na si Magsaysay ay naging kinatawan ng AVE party-list.

Unang naging maugong ang pangalan ng kongresista nang iurong nito ang pag-i-sponsor sa kauna-unahang impeachment complaint na inihain laban kay dating Pangulong Gloria Macapagal Arroyo.

Tinatawagan ng Remate Tonight si Magsaysay upang kunin ang kanyang panig ngunit nakapatay ang mobile phone nito. Meliza Maluntag

loading...

About admin

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply