Sunog!

INI-IMAGINE ko kung ano ang reaksyon ng mga tao ni Pangulong Noynoy Aquino nang bumili siya ng P4.5-milyon luxury car (na ayaw ko nang banggitin ang pangalan).

Siguro ay may nasampal ang sarili nilang noo, ang iba ay napanganga at ang iba ay nagsimula nang magtipa sa kani-kanilang computer—ang kalahati marahil ay nag-draft na ng kanilang resignation letter at ang kalahati, ‘yung mga mas bihasa na at alerto, ay nagsulat ng posibleng pambobola, eheste statement pala, na magpapaliwanag sa publiko na okey lang ‘yung ginawa ng boss nila.

Kung sino man sila, hindi masyadong convincing ang kanilang naisip, na agad namang sinabi ni PNoy sa publiko: Ito ang tamang panahon na makabili siya ng magara at mabilis na mamahaling sasakyan dahil baka pag hinintay pa niyang matapos ang kanyang pagka-Pangulo bago gawin ito ay mabagal na ang kanyang reflexes para makapagmaneho ng pangarerang sasakyan.

Oo nga naman. Halika nga rito. Ilapit mo ang ulo mo. Kablag!

Hindi ko minamaliit ang mga nagtatrabaho behind-the-scene sa Malakanyang at iba pang kagawaran at ahensya ng gobyerno. Tiyak akong matatalino sila, pero mahirap talagang mag-isip nang diretso kung under pressure.

Naalala ko ‘yung sinabi sa akin ng isang tagapagsalita ng dinaluhan kong seminar tungkol sa ekonomiya ng Pilipinas. Professor siya na nagtuturo sa Unibersidad ng Pilipinas at Ateneo de Manila University. Matalino siya. Narinig ko siya mag-lecture eh.

Pero, malungkot niyang pag-amin, hindi niya nagamit ang kanyang alam nang mapaloob siya sa gobyerno.

“Punong-puno ako ng optimism nang una akong pumasok sa serbisyo publiko,” aniya. “Pero nagkamali ako.”

Disappointed daw siya. Wala raw silang ginawa kundi magresolba ng mga sumusulpot na problema kung saan-saan.

Hindi raw malayo sa bumbero ang kanilang trabaho. Kung may sunog sa banda rito, sugod, dala-dala ang balde ng tubig, upang patayin ang apoy.

Hindi pa man nakabubuntong-hininga ay kailangan na namang takbuhing sunog, dala-dala ang panibagong balde ng tubig.

Ang nakaka-frustrate daw, ayon sa aking titser, ay alam na alam niya at mga kasama niya kung sino ang lekat na gumagawa ng mga sunog na pagod na pagod silang apulain—ang kanilang boss mismo.

Talaga palang ang kasaysayan ay nagpapaikot-ikot lang, bumabalik-balik. Ang nangyayari sa mga crisis managers ni PNoy ay siya ring naranasan ng mga crisis managers ng mga nakaraang panahon.

Kaya sa ganang akin, ayokong magtrabaho sa gobyerno, lalo pa’t kinayag ka lang ng isang pulitikong nabigyan ng puwesto dahil malakas sa mga “nasa itaas.”

Hindi dahil wala akong pagkakataon. At least ay dalawang beses na akong naaya d’yan. Sa Malakanyang pa.

“Huwag na lang,” sinasabi ko sa mga nag-aaya sa akin. “Ayokong maging bumbero.”

Noong nasa elementarya pa ako, talagang ‘pag tinanong ako ng mga titser ko kung ano ang gusto kong maging, ang sinasagot ko ay maging bumbero.

Pero kung tatanungin ako ngayon, ayoko na. Thank you na lang.

loading...

About admin

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply