Superkalan sumabog, 3 kritikal sa QC

Sumailalim sa maselang gamutan sa ospital ng Quezon City ngayon ang tatlong miyembro ng pamilya makaraang malapnos ang kanilang mga katawan sa pagsabog ng superkalan sa loob ng kanilang bahay, umaga ng Huwebes.

Kinilala ni P/Supt. Marcelino Pedroso Jr., hepe ng  Police Station 6, ang mga biktima na sina Armando Remojo, 48, may-asawa; Mark Christopher Quicoy, 15; at nanay nitong Angelita Quicoy, 43; pawang  mga taga no. 55 Purok 12, Litex Road, Brgy. Commonwealth, Quezon City.

Nabatid na naganap ang pagsabog dakong 11:00 ng umaga  habang ang nanay ng biktima ay nagluluto ng pananghalian .

Nang buksan ni Aling Angelita ang kalan ay nagkaroon ng problema sa pandingas ng apoy  dahilan para tangkain niya itong sundutin.

Nasa aktong susundutin na nito ang nipple ng kalan nang  biglang sumambulat ito sanhi para tamaan ang naturang mga biktima kung saan si Aling Angelita ang nagtamo ng matinding pagkalapnos sa kanyang katawan.

Makaraan ang pagsabog, kumalat na ang apoy ngunit agad naman itong naapula.

Ayon sa mga doktor ng East Avenue Medical Center (EAMC) kung saan nakaratay ang mga biktima, nagtamo ang mga ito ng third degree burns at kinakailangang ilagay sa intensive care unit upang  obserbahan hanggang tatlong araw. James de Jesus

loading...

About admin

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply