‘SURVIVAL’

MAPALAD na maituturing ang mga isinilang na kumpleto sa lahat ng bahagi ng katawan.  Pero tila mailap naman ang kapalaran na harapin ang mga hamon ng buhay.

Walang tiyaga na harapin ang laban ng buhay.

Taliwas sa mga isinilang na may kapansanan o kulang ang mga parte sa katawan.  Taglay nila ang lakas ng loob at determinasyon na tapusin ang kanilang laban.  Marami sa kanila ang likas na mas matapang kesa sa normal na maghanapbuhay ng marangal.

PWD nakakita ng bagong pag-asa sa DOLE’

Alinsunod sa ‘magna  carta for people with disabilities’ (PWD), ipinagbabawal na ang pagtawag ng bulag, pipi, bingi at iba pang kapansanan sa  isang indibiduwal na nagtataglay nito.   Hindi matatawaran ang kanilang katangian at kakayahan pagdating sa pagkita ng pera para buhayin ang pamilya.

Ang mag-asawang Ligaya at Abelardo Llona, kasama  ang 38 iba pang may kapansanan sa paningin, mga masahista sa Bicol, ay naniniwala na ang pagkakaroon ng tamang kagamitan na kinakailangan para sa kanilang hanapbuhay ay magbibigay  ng mas maganda at maayos na kinabukasan.

Kapwa na may problema sa paningin ang mag-asawang Llona, tubong Taysan, Legazpi City, na tanging pagmamasahe ang nakagisnang kabuhayan at siyang pangunahing pinagkukunan ikinabubuhay para makatawid sa araw-araw na pangangailangan ng pamilya.

“Pagmamasahe lang po talaga  ang trabaho namin.  Noong marinig po namin sa Radyo Veritas ang programa ng DOLE (Department of Labor and Employment), nagbakasakali kami na matulungan ng ahensiya.  Mahirap pong maging bulag pero hindi naman ito hadlang para hindi kami magsumikap,” pagkukuwento ng mag-asawa.

Ang pagmamasahe, na siyang ikinabubuhay ng mag-asawa, ang pinagkukunan nila para sa kanilang pang-araw-araw na pangangailangan at panustos sa pag-aaral ng kanilang mga anak.  Ngunit dahil sa pagtaas ng mga bilihin, nahihirapan ang mag-asawa na pagkasyahin ang kanilang kinikita.

Ang mag-asawang Llona ay kabilang sa 40 masahistang PWDs mula sa iba’t ibang munisipalidad ng Albay na nabigyan nang gamit sa pagmamasahe sa ilalim ng DOLE Kabuhayan-Starter Kit (DK-SK).  Ito ay sa  ginanap na pagdiriwang kasabay ng  anibersaryo ng DOLE noong magtatapos ang taong 2010.

Ito naman ang ipinahayag ni Atty.  Alvin M. Villamor, DOLE regional director ng Bicol.

“Sa kabila ng kanilang kapansanan, sila ay naging masipag na mamamayan,” aniya.  “Ang kailangan lamang nila ay tulong at suporta para higit nilang mapaunlad ang kanilang kabuhayan at madagdagan ang kanilang kita,” dagdag niya.

Tumanggap mula sa DOLE ng kani-kaniyang backpack bag ang 40 benepisyaryo na naglalaman ng massage kit, iba’t ibang uri ng langis, hand towel, at iba pang gamit na kanilang kailangan sa pagbibigay ng home service massage.
Nagkakahalaga ang bawat isang massage kit ng P10,000.

Tuwang-tuwa rin na tinanggap ni David Bueno, isa sa mga benepisyaryo, ang DK-SK massage kit. “ Binabago ng DOLE ang karaniwang pananaw ng karamihan sa amin na wala kaming silbi.  Sa pamamagitan ng massage kit, tinutulungan niyo kaming magtiwala sa aming sarili, at pinatatag ninyo ang aming paniniwala na kaya naming mabuhay sa kabila ng aming kapansanan,” ani David.  Si David, 24-anyos at mula sa Tabaco City, ay isa ring may kapansanan sa paningin na pagmamasahe ang ikinabubuhay.

Nawala ang paningin ni David noong siya’y dalawang taon pa lamang.

Natutunan niya ang pagmamasahe nang  sumailalim siya  sa pagsananay sa TESDA (Technical Education and Skills Development Authority).

Pangarap niya lang dati ang magsagawa ng home service kung saan mas malaki ang kanyang kikitain kumpara sa pag-hihintay niya ng kliyente sa mga mall.

Si David at ang mag-asawang Llona, kasama na ang iba pang  tumanggap ng DK-SK massage kit ay dating nakadestino sa mga mall sa Albay.  Sa ibinigay sa kanilang tulong-pangkabuhayan, maaari na silang mag-home service kung saan mas malaki ang kanilang kikitain kesa  sa kanilang pagtatrabaho sa mga mall.

Starter-kit ni Henry

Si Henry Felizardo ay isang dating pangkaraniwang mangungumpuni ng sirang cellphone. Sa edad na 36, tubong Camalig, Albay, hindi na bago sa kanya ang hirap ng buhay. Araw, araw, naglalakad siya bitbit ang kanyang lumang gamit papunta sa kanyang mga kliyente.

Gamit ang mumurahing kasangkapan, hirap si Henry na tugunan ang pang-araw-araw na pangangailangan ng kanyang kabuhayan. “Naisip ko nang sumuko dahil sa hirap na dinanas ko at ng aking pamilya,” paglalahad niya.

Sa tulong ng isang ahensiya, wala sa hinagap ni Henry na gaganda uli ang kanyang buhay at nang kanyang pamilya hanggang sa dumating ang tulong mula sa DOLE RO-5.

Isa siya sa mga maswerteng nakatanggap ng DOLE Kabuhayan Starter Kits (DK-SK) o ang programang “Trabaho sa Bag” ng kanilang barangay sa ginawang noong anibersaryo nito.

Personal na tinanggap ni Henry mula kina DOLE-RO5 Director Atty. Alvin Villamor at Asst. Regional Director Irma S. Valiente ang cellphone repair kit na naglalaman ng de-kalidad na gamit na may halagang P10,000 at paunang capital na P5,000.

“Siyempre po, noon kaunti lang ang kita ko kasi po’ yung mumurahing tools lang ang nabibili ko. Eh isang ikot lang po kung minsan sira na agad. Ito pong bigay ng DOLE siguro habambuhay na’to,” paglalahad ng benepisyaryo ng DK-SK kung paano ang programa ng DOLE ay makakatulong sa kanyang kinabukasan.

Ayon kay Villamor, si Henry ay isa sa mga kandidato para sa programang “Trabaho sa Bag” na unang  naisakatuparan sa lugar ng Quirangay, Camalig, Albay. Katulad ng ibang mga benepisyaryo, sumailalim si Henry sa isang panayam upang matiyak kung karapat-dapat siyang tumanggap ng tulong mula sa DOLE.

Matapos ang panayam, sumailalim din si Henry sa pagsasanay sa pagkukumpuni ng mga sirang cellphone mula sa Technical Education and Skills Development Authority (TESDA), kasunod ang maikling kurso sa financial management na binigay ng DOLE-RO5.

Sa maikling panahon na napalawak niya ang kanyang kakayahan, nagdesisyon si Henry na magsolo at umpisahan ang pagbibigay ng home service. Dahil sa limitado ang kanyang kita, mumurahing gamit lamang ang kanyang nabibiling piyesa na hindi tumatagal kung masyadong mabigat ang ginagawa niyang pagkukumpuni.

“Pahahalagahan ko po ang regalong ito mula sa DOLE,” ang walang humpay na pasasalamat ni Henry. Linda Bohol

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply