Ugat ng kahirapan

MULING ipinaalala sa atin ng Social Weather Stations (kahit ganun ang pangalan nila, hindi lagay ng panahon ang sinusukat nila kundi lagay ng lipunan) na marami sa atin ang nagugutom.

Nitong huli, 3.4 milyong pamilyang Pinoy daw ang nakararanas ng gutom at mas marami sila kumpara sa nakaraang taon na 3 milyong pamilya “lamang” ang nagugutom. Sa madaling salita, dumarami silang parang kabute.

Hindi naman nakakagulatang ang resulta ng sarbey na ito. (Ang ipinagtataka ko lang e kung bakit hanggang ngayon e hindi pa ako nakakikita ni anino man lang ng kumukuha ng sarbey at hindi pa ako natatanong kahit kelan.) Tumingin ka lang sa paligid mo e alam mo na agad ang sagot ng mga tinatanong sa sarbey. Ang nakapagtataka e kung bakit patuloy na dumarami ang mahihirap gayong dapat e nagkakamatayan na sila sa gutom. Sa halip na mabawasan, lalo silang nadaragdagan.

At ang tinutukoy pa lang dito e yung mga nagsasabing nakararanas sila ng gutom. Ayon pa rin sa SWS, 9.2 milyong pamilya ang nagsasabing pakiramdam nila e mahirap sila at 6.7 pamilya ang nagsasabing kapos sila sa pagkain.

Kung mga aktibista ang tatanungin, imperyalismo, pyudalismo at burukrata-kapitalismo ang ugat ng kahirapan. Kung magtatanong ka naman sa mga tao sa kalsada, iba’t ibang sagot ang makukuha mo. Merong magsasabing tamad ang Pinoy, walang disiplina, walang tiyaga, makasarili, walang pinag-aralan at walang pagpapahalaga sa hinaharap.

May konting katotohanan naman ang mga ito, pero konti lang talaga. Kung ako ang tatanungin… teka, hindi n’yo na nga pala ako kelangang tanungin, sasabihin ko na lang ang alam kong ugat ng kahirapan: Kamote.

Oo, ito ang halamang ugat na pagkain ng mahirap. Ito ang ugat para sa mahirap pa sa tao.

Maraming biyaya ang kamote sabi nga ng mga mananaliksik. Mayaman ito sa Vitamins A at C at mabisang antioxidant o panlaban sa kanser.

Ipinakakain ito sa mga may problema sa tiyan at bituka at sa mga mababa ang presyon ng dugo. Mabuti rin ito sa mga gustong magpapayat.

Katunayan, ipinayo nga Department of Agriculture na magsanay na tayong kumain ng kamote para mabawasan ang sobrang pag-asa natin sa bigas na kinakailangan pa nating angkatin mula sa ibang bansa.

Ngayong may problema ang mga bansang nag-eeksport ng bigas dahil sa mga natural na kalamidad, lalong higit na kailangang bawasan natin ang sobrang pag-asa sa pagkaing ito. Nangunguna pa naman tayo sa pag-iimport ng bigas sa buong mundo.

Kamakailan e sinabi na nga ng NFA na aangkat ulit tayo ng bigas ngayong taon at meron na tayong quota mula sa Vietnam.

Ang problema nga lang e kung paano sasanayin ang mga Pinoy na palitan ng kamote ang bigas. Mukhang imposible itong mangyari dahil marami sa atin ang hindi kuntento kapag hindi nakakain ng kanin.

Isa pang nakakabawas sa halina ng kamote e ang nangyayaring “pagpapalipad ng hangin” pagkatapos itong kainin. Hmmm! Hernan Melencio

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply