Usapang basura

LAMAN ng balita sa TV noong pagkatapos ng Pasko at Bagong Taon ang “balikbayan boxes” na hindi nakarating sa kinauukulan dito sa Pinas.

Sa isang dating OFW na tulad ko, hindi na nakagugulat ang ganitong balita. Naranasan ko na ring maghintay ng maraming buwan sa bagaheng ipinangakong darating sa loob ng isang buwan.

Noon nga lang umuwi ako “for good” noong Disyembre 2008, dalawang bagahe ko ang “nawala” at inakala kong hindi na makikita pa habang ako’y nabubuhay. Pero sa awa naman ni Batman e sumulpot din ito matapos ang halos limang buwang pangungulit sa forwarding company at pananakot na hindi ko na sila bati kapag niloko nila ako.

Isang kasamahan ang tuwang-tuwa nang natanggap ang ipinabagaheng kahon sa tamang panahon pero dagling napawi ang ngiti sa mukha nang makita ang laman ng kahon: laksa-laksang lumang sinelas at lumang dyaryo.

Nakatatawa ito kung hindi sa iyo nangyari. Katunayan, natawa nga ako nang una ko itong marinig.

Pero hindi na ako nakatawang muli nang makilala ko itong si Naser.

Isang Pinoy si Naser na matagal ring nagtrabaho sa isang forwarding company sa Jeddah. Suki ko na siya at kuntento ako sa serbisyo nila.

Isang araw na pinapunta ko siya sa tinitirhan ko para kunin ang dalawang kahong ipababagahe ko sa Pinas, tahimik siya at kakaiba ang kilos. Hindi rin siya makatingin sa akin nang diretso at ilang beses nagkamali ng lista sa timbang at pagkwenta sa dalawang kahon.

“May problema ba?” ‘kako.

“Wala,” anya. “Medyo nalito lang ako.”

Tinulungan ko pa siyang magbaba ng bagahe at magkarga sa van. Napansin kong walang ibang bagahe sa sasakyan at may nakasakay na babae sa tabi ng driver’s seat. Bawal makitang magkasama ang babae’t lalaking hindi mag-asawa kaya inisip kong asawa niya iyon; kung hindi ma’y meron silang maipakikitang papeles.

Medyo kinabahan ako, pero naisip kong hindi tamang magduda sa tao nang walang sapat na dahilan.

Makalipas ang ilang araw nakatanggap ako ng tawag sa kanya. “May problema sa bagahe mo. Punta ka rito,” anya.

“Anong problema,” ika ko.

“Nagpapabagahe ka ba ng baterya ng sasakyan? Bumukas yung kahon, muntik pa nga akong mapatakan sa mata,” sabi niya.

Hindi agad ako nakahuma. Gusto ko siyang murahin dahil alam kong may ginawa siyang kasalanan.

“Bakit ako magpapadala sa Pilipinas ng baterya? Sira ba ulo ko?” sabi ko.

Sa maikling kwento, pumunta ako sa opisina nila, hinanap ko ang manager, ipinakita sa akin ang bukas na kahon na may lamang lumang baterya ng sasakyan na napalilibutan ng mga lumang dyaryo. Natural nagmaang-maangan si Naser at binantaan pa akong kakasuhan dahil muntik na raw siyang “mabulag” sa tumapong tubig ng baterya. Gusto kong tusukin ng bolpen ang mata niya para matuluyan, pero sayang ‘yung bolpen.

Walang nangyari sa paliwanag ko na stereo component ang laman ng kahon at hindi lumang baterya. Pwede raw akong magreklamo sabi ng manager pero hindi ko makukuha agad ang isa pang kahon na swerteng hindi nakursunadahan ng chiching ni Naser.

Sa pagtimbang-timbang ko ng sitwasyon, naisip kong hindi ko pwedeng ipagpalit ang stereo sa masayang bakasyon ko sa Pinas.

Pinabayaan ko na lang si Naser (may araw din naman siya, ikako). Akala niya naisahan ako? Nasa akin yata ‘yung remote ng stereo component. Bwahaha!

loading...

About admin

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply