Utak-haywey at silipin ang dispalinghadong STAR highway

IPINATUTUPAD na ng Land Transportation Office ang patakarang hindi magkakaroon ng lisensiya sa pagmamaneho ng bus ang isang drayber kung wala itong sertipikasyon mula sa Technical Education, Skills and Development Authority.

Sa sertipikasyon, nasasaad ang pagkakaroon ng treyning ang isang drayber at nakapasa ito para maging isang bus drayber.

Tama lang ito.

Sa kuwento kasi ng maraming drayber sa atin, Suki, isa sa mga karaniwang pinakamalaking kuwalipikasyon ng aplikanteng drayber sa kompanyang bus ay ang karanasan sa pagmamaneho ng mga malalaking sasakyan, kabilang na ang pagiging drayber sa logging.

Ibig sabihin, mapapatag o mapabundok ang lalakbayin ng isang bus, kung sanay na sa malalaking trak o logging trak ang isang drayber, nakasisiguro ka ng kaligtasan.

Pero sa pagpasok ng TESDA, andiyan ang higit na training at edukasyon gaya ng tamang pagmamaneho at pagsunod sa mga patakarang internasyonal sa pagmamaneho at modernong kalsada. Kasama na rin dito ang tamang pag-aalaga sa mga sasakyan upang maging angkop ang mga ito sa mga batas pangkalikasan at iba pa.

Lahat para sa kaligtasan ng mga pasahero at mga dinaraanang bus na mamamayan at ari-arian.

oOo

Ngayon nga ay napakabibilis na ang mga sasakyan.

Lalong nakikita ang bilis ng mga sasakyan, kahit ang mga maliliit, sa mga superhaywey.

Ginagawa na ngang reystrak, Suki, ang mga superhaywey.

May pagbabawal o limitasyong inilalagay ng mga taga-superhaywey na ispid, pero may matitigas ang ulo na sumusuway.

Siguro dahil na rin sa hindi panghuhuli sa mga sasakyang ito bukod lang kung sobrang bilis na talaga ang isang sasakyan at paekis-ekis na sa pag-ooberteyk.

Para sa atin, ito na ang isang dahilan ng maraming disgrasya. Por eksampol ang naganap na salpukan ng bus at dyipni sa Southern Tagalog Arterial Road at mga disgrasya ng mga ambulansiya sa South Luzon Expressway at  Maharlika road sa Nueva Ecija.

Nasa 13 ang namatay sa mga aksidenteng iyon at nawasak ang mga dyipni at ambulansiya.

oOo

Utak-haywey, Suki, ang itatawag natin sa mga drayber ng mga nadisgrasyang sasakyan.

Dahil sa nasasanay na sila sa hay ispid sa haywey, kung minsan ay nalilimutan nila ang ibang mga mahahahalagang bagay kaugnay ng ligtas na pagmamaneho.

Por eksampol: ligtas at katamtamang bilis sa pagmamaneho, hindi pagtitiwala lagi sa kondisyon ng mga sasakyan at nakakondisyon na utak, mata, kamay o buong katawan sa pagmamaneho na pawang bahagi rin ng treyning sa TESDA.

oOo

Pero, teka, hindi ba dispalinghado ang haywey na STAR, lalo na sa parte na kinaganapan ng malagim na disgrasya kamakalawa?

Kasi ginawang haywey ang para sa dalawang sasakyan lamang at salubungan pa.

Mining tu sey, Suki, ke utak-haywey ka o gradweyt ka sa TESDA, madidisgrasya ka dahil sa dispalinghado nga ang haywey.

Dapat na maimbestigahan ang STAR. Rey Briones

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply