Venus Raj, gagawing ‘Darna’ ng action director

NASA Radio Philippines Network Channel 9 pa si Willie Milan, ang kilalang direktor ng maaaksyong pelikula pero bagamat siya ay mas nakakabit ngayon kay Wilson Tieng ng Solar Entertainment, nasasakop pa rin niya ang telebisyon.

At nangangati na ang kamay ni Willie na masimulan na ang isang proyektong mahal na mahal niya sa tradisyon ng kanyang mga premyadong obrang “Ang Mamatay Nang Dahil Sa’yo,” “Masamang Ugat,” “Anak ng Cabron” at marami pang iba.

Ngayon nga lang ay gagawin niya sa TV ang kanyang pagkamalikhain.

“Nakaplantsa ng ang lahat. Gagawin ko ito para kay Wilson. Alam mo naman kami ni Wilson, may mga pinagsamahan din kami at dahil uso naman sa TV ang action, aksyon ito,” pahayag ni Milan sa isang eksklusibong panayam.

***

Pantasya ang gusto ni Willie na gawin para sa RPN.

“Di ba, sa karaniwan, iisa lang ang artista na gumaganap sa supernatural at sa natural na character? Like, kung si Richard Gutierrez ang Captain Barbell, siya ang ordinary character at siya rin ang supernatural character. Like, kung si Marian Rivera ang Narda, siya pa rin ang Darna.

“Iba ang gagawin ko. Si Herbert Bautista ang ordinaryong counterpart ni Captain Barbell pero pag nag-transform na siya, si Manny Pacquiao na ang Captain Barbell.

“Kung si Eugene Domingo ang Narda. Puwes, iba ang Darna pag nakalumod na siya ng bato. Si Venus Raj na ang Darna. O, di ba, iba?” pahayag ni Milan na naghahanda na rin ng kanyang pelikulang pinamagatang “Children of War.”

Kukuha na lang siya ani Willie ng permiso sa pamilya ni Mars Ravelo para maisapelikula ang mga obrang ito.

***

Dahil hanggang ngayon ay malakas pa rin si Willie sa mga Macapagal-Arroyo kahit na sa dating presidente ng Pilipinas at ngayon ay kongresista na ng Pampanga na si Gloria Macapagal-Arroyo, ayaw niyang gamitin ang mga Macapagal-Arroyo para lang magkapelikula.

“Ito ngang ‘Children of War,’ puwede kong ilapit sa mga Macapagal-Arroyo pero iniwasan ko nang gawin, kasi, baka magkaisyu pa. E, I don’t want to put them in bad light,” wika ni Milan na kaibigang matalik din ni Mikey Macapagal-Arroyo.

Ayon kay Willie, ayaw nang mag-artista ni Mikey kaya ang partisipasyon nito sa “Children of War” ay kinansela na ng direktor.

“Ipinaalis na rin nga ni Mikey ‘yong picture niya sa layout ng pelikula. Marami na rin akong aalisin do’n,” wika ni Milan.

Matitira na lang si Dan Fernandez pero aniya’y papalitan na niya marahil sina Pauleen Luna at Jay Manalo.

***

Halatang masama pa rin ang loob ng pinagpipitaganan at mahusay na mang-aawit na si Paul Toledo, ang lumikha at kumanta ng sikat na rock at novelty song na “Lumba-Lumba” na bumantog noong 1980s.

Ito ay dahil sa pagkawala niya sa konsiyertong “Ugat” na ginanap sa Araneta Coliseum noong nakaraang buwan noong isang taon.

Itinampok sa “Ugat” ang pagbabalik ni Florante, ang nagpasikat ng “Handog” kasama sina Wally Gonzales, Sampaguita, Joey “Pepe” Smith, Lolita Carbon, Noel Cabangon, Heber Bartolome, Mike Haponol at iba pa.

“Marami nga ang nagtatanong sa akin kung bakit wala ako sa concert na ‘yon. Sabi ko naman, okey lang. Kung hindi nila ako naisip, wala akong magagawa pero ang dami-daming nanghihinayang na wala ako ro’n,” sabi ni Paul sa Master’s Den Bar sa Shaw Boulevard kung saan siya kumakanta tuwing Biyernes.

Isa si Zeny Marcelo-Poe, ang biyuda ni Conrad Poe, sa mga nanghihinayang at nagtataka kung bakit hindi isinama si Toledo sa concert na ‘yon samantalang nag-rock din naman anya ang singer na tinaguriang Rod Stewart of the Philippines. Boy Villasanta

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply