Vina Morales, nagdala ng biktima ng hit-n-run sa ospital kahit ‘di kakilala

HINDI natin pupuwedeng balewalain na lamang ang mga kabutihan ng nirerespeto nating mga artista sa showbiz na gumagawa ng kabutihan sa kanyang kapwa.

Sila ‘yung hindi lang gumagawa ng mga kabutihan para magdagdag ng kinang sa kanilang kasikatan, kundi talagang bukal sa kanilang puso ang maghandog ng pagdamay kapag hinihingi ng gipit na pagkakataon na tanging sila lang ang pupuwedeng magbigay ng kanilang sarili at panahon.

Pangalanan natin ang mga kabutihan ng puso nina Senator Ramon “Bong” Revilla, Jr. at Vina Morales.

Bilang isang manunulat ay lalong tumaas ang respeto ko kay Senator Bong nang hindi siya nagdalawang-isip na damayan ang pangangailangan ngayon ng aming kapatid sa panulat na si Rommel Placente.

Dahil sa gipit niyang sitwasyon ngayon, pagkatapos ma-stroke ang kanyang mother, nitong huli naman ay ang kanyang sister ang na-stroke, at matagal na nakaratay sa hospital, kaya ang laki na ng kanilang pagbabayaran.

Artista si Senator Bong, kaya magaan ang loob niya sa mga manunulat, kaya mahal na mahal din naman naming lahat ang husband ni Congresswoman Lani Mercado.

Kung alam lang ni Senator Bong ang napakalaking kalutasan na kanyang nagawa.

Si Rommel Placente kasi bilang reporter at bilang kapatid namin sa Philippine Movie Press Club ay itinuturing naming payaso, dahil masayahin siyang tao.  Pero dahil sa kasalukuyan niyang problema, ay hindi na siya tumatawa man lang.  Lahat kaming mga kapatid niya sa PMPC nagdarasal na bumalik sa normal ang lahat, para makasama na ulit namin si Placente.  Pero dahil kay Senator Bong, muli na namang nabuhayan ng pag-asa ang aming kapatid.

Salamat, Senator Bong!

–oO(O)Oo–

IPINAGMAMALAKI rin namin ang isa sa pinakamamahal naming artista na si Vina Morales, dahil kamakailan ay hindi rin siya nagdalawang-isip na damayan ang isang lalaking nabiktima ng hit and run sa kahabaan ng Commonwealth Avenue.

Habang nakahandusay sa kalsada ang kaawa-awang lalake, ay dumaan naman ang van ng sister ni Shaina Magdayao, at dahil kinabahan siya sa nasasaksihang problema ay ipinahinto  niya ang kanilang sasakyan para saklolohan ang agaw-buhay na lalake para iyon ay maisugod sa hospital.

Nakaligtas ang nasabing lalake sa tiyak na kamatayan, dahil ang sabi ng duktor, ay nasa tiyak na panganib na raw ang biktima ng hit and run kung nagtagal pa bago siya nadala sa pagamutan.

Bakas sa mukha ni Vina ang labis na awa at pag-aalaala sa lalaking nabundol ng sasakyan.  “Pambihira, hindi man lang huminto ‘yung driver ng sasakyan na nakabangga!  Nakakaawa naman ‘yung nabundol niya,” wika ni Vina.

Wika noon ni Mommy Dianne Magdayao, mommy nina Vina at Shaina ay bata pa raw si Vina ay talagang maawain na ‘yan sa kapwa niya mga bata na kalaro.  Hanggang ngayon daw, dala pa rin ng singer-actress ang kanyang ugali ng pagiging maawain sa kapwa.  Melchor M. Bautista

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply