Walang kuwenta ang matuwid sa nagugutom

NASUBUKAN mo na bang aluin sa magagandang salita si Juan habang siya’y dumaranas ng gutom at paghihirap?

Sa una, maaaring pakikinggan ka niya. Pero sa susunod, kung wala ka namang magagawa sa kanyang masamang kalagayan, maaaring hindi ka niya pakikinggan.

Baka maburyong pa siya sa kadadakdak mo ng magagandang salita.

Kung magpapatuloy ang kanyang kagutuman at paghihirap, baka umabot ang lahat sa hindi magandang pangyayari.

Ibig sabihin nito, Suki, huwag mong paabutin ang masamang kalagayan ni Juan sa oras na maging ang Diyos ay hindi na niya makikilala.

At alam mo na ang susunod dito.

oOo

Gusto nating ipunto rito ang ginagampanang papel ng pamahalaan sa lipunan at sa panahong ito, ang pamahalaang PNoy.

Sa kasalukuyan, dumaranas ang milyon-milyong mamamayan ng kahirapan at gutom. Por eksampol ang nasa 37 milyong obrero sa buong repablik ni Juan.

Ayon mismo sa pamahalaan, mayroong nasa tatlong milyong istambay o walang mapasukang trabaho. Kung tatanungin mo ang iba, umaabot umano ang istambay sa limang milyon.

Mayroon namang 7-11 milyong na kulang ang pinagkakakitaan o part taym ang trabaho derpor kulang sa kita.

Kabilang dito, Suki, ang mabilis na dumarami at milyon-milyon nang biktima ng kontraktuwalisasyon.

Yung iba, tuloy-tuloy naman ang trabaho. Kaya lang, sinasabi namang nasa 10-15% lang naman dito ang may minimum na sahod.

Derpor, mababa at kulang na kulang din sa pangangailangan ng pamilya ang kita ng 85-90% ng mga may tuloy-tuloy na trabaho.

oOo

Sa kabila ng kaawa-awang kalagayan ng mga obrero, sabay-sabay naman ang mga karagdagang pahirap na dumating sa taong ito.

Andiyan ang pagtataas na ng pasahe sa taksi, MRT, LRT at may petisyon na para sa fare hike ng mga dyipni at bus.

Nagpapahaging na rin ang mga traysikel drayber.

Nagsimula na ring manalasa ang mga haywey sa pagtataas ng mga ito ng toll kasabay ng pananalasa rin ng mga kompanyang langis ng presyo sa petrolyo.

Istambay na nga o maliit na nga ang kita ng mga obrero, hinoholdap pa sila ng fare hike, toll hike at oil price hike.

Nagsimula na ring manalasa ang pagmamahal ng presyo ng mga bilihin dahil sa mga hike na yan.

Ang masama, kasama sa mga hike na yan ang pakinabang ng pamahalaan sa pamamagitan ng expanded value added tax.

oOo

Ngayon, Suki, subukin ng mga onorabol na sabihan na magtiis ang mga obrero umasa sa “matuwid na daan” pero wala namang magagawa ang mga ito, pakikinggan kaya ang mga onorabol?

Ang gustong marinig ng mga obrero ay ang mga trabahong pangmatagalan at kitang sapat para sa makataong kalagayan.

Gusto rin nilang marinig ang mga pangontra sa fare hike, toll hike, oil price hike, EVAT at iba pang ngumangabngab sa kanilang kakarampot na kita.

Pag mangyari lahat ng ito, diyan na magkakaroon ng puwang ang salitang “matuwid na daan.” Rey Briones

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply