Walang yabag

TUWING may magaganap na krimen na pinagmumukhang maamong tupa si Satanas sa kalupitan, asahan mong laging may sisigaw na ibalik ang parusang kamatayan sa Pinas.

Sa halip na pukpukin ang mga taong dapat magpatupad ng batas, ang super-bigat na parusa sa hindi pa nahuhuling kriminal ang pinag-iisipan at pinagbubuhusan ng panahon ng mga mambubutas, este, mambabatas.

Sa kanila, kulang pa ang parusa kaya hindi natatakot ang mga halang ang kaluluwa sa paggawa ng krimen. Kung wala lang pumipigil sa kanila, mailalagay sa listahan ng parusa ang pagdukot sa mata, pagbunot ng kuko o ngipin nang walang pampamanhid, paghiwa ng blade sa balat at pagpiga ng kalamansi, pagputol ng kamay o paa, at pagpalo ng baseball bat sa ulo hanggang mamatay.

Gusto rin lang naman nilang takutin ang mga kriminal sa bigat ng parusa, e di itodo na nila ang pananakot.

Ang problema nga lang hindi natatakot ang mga demonyo sa ganyan. Ang kelangan, magtrabaho ang mga pulis (hindi kapulisan) at siguruhing mahuhuli ang mga maysala sa loob ng maiksing panahon.

Ang katiyakan ng pagkahuli ang sagot at hindi bigat ng parusa.

Kaso sa pagkabigo ng mga dapat nagpapatupad ng batas, inaakala ng marami na batas ang may pagkukulang kaya gumagawa sila ng dagdag pang batas. At dahil gustong magpapogi ng tagagawa ng batas – tutal trabaho naman talaga nila ‘yun – nagrereseta agad sila ng “panlaban” sa mga salbahe. “Ibalik ang death penalty,” anila.

May binombang bus sa EDSA, death penalty ang sagot. May mga nabiktima ng pagnanakaw ng kotse at pinatay, death penalty ang sabi. May ni-rape, may tinortyur ang pulis, may hinoldap, death penalty.

Kamakalawa, isang taga-Simbahan na namamahala sa mga bilanggo ang galit na galit sa mga senador dahil sa walang kakurap-kurap nilang pagsasabi na dapat ibalik ang death penalty.

Hindi raw sila ibinoto ng taumbayan para dungisan ng dugo ang kamay ng gobyerno, o para magtaguyod ng “state murder.”

Partikular niyang tinukoy sina Migs Zubiri, Tito Sotto at Bong Revilla na mga umano’y atat na atat ibalik ang bitay.

Dapat daw magsaliksik pa ang mga senador na ito at mag-Google para malaman nilang nakapirma ang Pinas sa “Second Optional Protocol to the International Covenant on Civil and Political Rights” na nagbabawal sa mga miyembro na ibalik ang death penalty.

Kung saan-saan nakatingin ang mga senador at kongresista hindi nila naririnig ang yabag ng tumatakas na mga salarin. Hulihin sila at iharap sa hustisya. Iyon ang unang-unang dapat asikasuhin ng gobyerno at hindi ang pagtalima sa “baser instinct” na pumatay – nang legal.

loading...

About admin

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply