‘SUPERMOM’

WALANG pagsidlan ng kanilang pasasalamat sa Diyos ang mag-asawang Edgardo, 50  at Layola Cuchon, 50 ng Brgy. 619, District IV, Lungsod ng Maynila, dahil sa pagkakapasa sa nursing board examination kahapon ng ikalawang anak na si May Cariza, 21, na nagtapos sa University of Manila (UM) nitong 2010.

Para kay Layola, o mas kilala sa palayaw na ‘Yolly’, nagbunga lahat ng kanilang pagsisikap at sakripisyo.  “Take one lang siya at hindi siya dumaan sa review center kundi nag-self review pagka-graduate niya last year.  At this year lang siya nag-board.”

Masuwerte si Yolly sa  pagkakaroon ng mga anak na mababait at matatalino. “Dahil kapos kami sa pera kaya sa public school lahat nag-aral ang mga anak ko at scholars.”

Ang panganay na anak ay nagtapos ng Tourism course at scholar ng TESDA at ngayon ay nakatutulong na rin sa pamilya.

‘Supermom’ na maituturing si Yolly para sa pamilya.  Kahanga-hanga ang sipag sa pagta-trabaho.  Napagsasabay ang pagiging caregiver, manikurista at pagluluto ng panindang pagkain na hindi naisasakripisyo ang responsibilidad sa asawa at mga anak.

Isang driver si Mang Edgardo at may 2 taon naman siyang caregiver ni Mommy Cecilia Concepcion, 90 sa Bacood, Sta. Mesa, Manila.  Bukod sa pag-aalaga sa araw-araw na pangangailangan ng matanda, siya na rin ang gumugupit at nagma-manicure atnagpe-pedicure dito.

Kapag naiayos na ang mga pangangailangan ng matanda at nagpapahinga, nakapagsa-sideline siya ng manicure-pedicure sa mga kapitbahay at paggugupit.  Nagagawa niya rin ang pagluluto kapag may order na biko, pansit, spaghetti at iba pang pagkain.

Mga nanay, marahil hindi natin kakayanin ito.   Mabibilang sa daliri natin ang kababaihan ngayon na may tiyaga sa multi-tasking.

Salamat sa livelihood/skills training program ng Maynila

Ipinagpapasalamat ni Yolly ang libreng livelihood at trainings na handog ng Lungsod ng Maynila sa mga barangay sa 6 na distrito.  Mapalad aniya ang kaniyang barangay sa Bacood dahil isa siya sa naging benipisaryo nito.  Una siyang nagsanay sa cosmetology sa loob ng isang buwan,  isinunod ang massage therapy.  Kumuha din siya ng food processing course kaya natuto siyang magluto; marunong din siyang gumawa ng liquid diswashing  soap. Talagang napakikinabangan niya ang kinuha niyang livelihood short courses.

Sa kabila nito, nais pa rin ni Yolly na matuto pa ng ibang pangkabuhayan.  Malaking tulong siya sa pamilya mula nang magkasakit ang asawa.

Dahil ganap nang isang nurse ang anak at kumikita din ang panganay, nais ng pamilya ni Yolly na tumigil na siya sa pagiging caregiver at magnegosyo na lamang.

“Pinatitigl na nga ako ng mga anak ko kaya lang di ko maiwan ang alaga ko. Napamahal na siya sa akin.  Mula nang alagaan ko kasi si Mommy, parang naging masigla siya.  Di gaya ng wala pa ako, lagi lang siyang nakahiga,” ani Yolly.

“Hindi ko naman napababayaan ang tungkulin ko sa bahay.  Ako pa rin naman ang naglalaba, nagluluto at nag-aasikaso sa asawa at mga anak ko.”

Sinubukan din ni Yolly na magtrabaho sa abroad noong 1994-1997 (Jeddah, KSA) nang masunog ang factory na kaniyang pinapasukan.  “Pagbalik ko ng Pilipinas, hindi na ako nag-aksaya ng panahon at dumalo sa mga training seminar ng livelihood at hindi naman ako nabigo,” diin pa ni Yolly.

Para sa mga anak nina Edgardo at Yolly, mapalad sila sa pagkakaroon ng mga magulang na gaya nila dahil bagama’t mahirap, matatag ang pagsasama ng mag-asawa at binibigkis ng respeto at pagmamahal ang pamilya.

“Ang mai-share ko lang sa mga magulang, dapat magsikap sila na mapag-aral ang mga anak.  Naniniwala ako na hindi hadlang ang kahirapan para maabot ang pangarap ng mga anak.  Sila ang dapat na maging idolo ng mga anak sa buhay.  Iwasan ang bisyo dahil ginagaya ng mga anak ang nakikita sa mga magulang,” paglalahad pa ni Yolly.

Ang pamilya Cuchon ay aktibong miyembro ng Couples for Christ.  Linda Bohol/Photos by Edna dela Fuente

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply