‘Wag na lang!

TAMA ang panukala ni Pangulong Aquino na huwag na lang munang ituloy ang halalan sa Autonomous Region in Muslim Mindanao ngayong darating na Agosto.

Kung magpapatayan din lang naman ang mga nag-aambisyon na tumakbo ay ipagpaliban na muna ang eleksyon.

Walang silbi ang halalan kung patuloy pa rin ang sistema ng warlordismo sa nasabing rehiyon.

Kung patuloy pa ring maghahari ang mga may armas, ang mga may pera na handang bumili ng boto, at ang mga malalaking angkan na nag-aakalang sa kanila ang buong Mindanao, dapat na huwag na munang mag-eleksyon.

Mas makabubuti na ayusin muna ng bagong administrasyon ang mga kalokohan sa ARMM bago maglunsad ng halalan doon.

Sayang lang ang pera ng taumbayan kung ang kahinatnan ng halalan ay isang huwad na pamamalakad pa rin ng mga naghari-harian sa lugar.

Maganda ang panukala na magtalaga muna ang pangulo ng isang “caretaker government” sa lugar. Isang matinong tao na walang kinikilingan at may “sense of justice,” isang taong may paninindigan at hindi duwag ang dapat ilagay ni Pangulong Aquino.

Walang duda na kung sino man ang ilalagay na OIC siguradong liligawan ito ng mga sipsip at tatakutin ng mga utak-pulbura. Kaya dapat hindi nabibili at may bayag ans sinumang magpapatakbo ng gobyerno sa ARMM.

Kung sa pagdating ng 2013 ay makikitang handa na ang rehiyon para sa isang mapayapa at patas na eleksyon, idaos ito. Subalit hindi pwedeng tumakbo ang OIC o mga kamag-anak niya.

Dapat din muna maayos ang batas na gumawa sa ARMM upang maiwasan ang kalokohan na siyang naging sistema sa nasabing lugar nitong mga nakalipas na taon.

Hindi pa handa ang ARMM para sa isang halalan. Kaya huwag natin itong pagpipilitan, Ika nga, wag ipilit kapag masikip, baka sumabog o dumugo.

Masyado nang madugo at marami nang sumasabog sa Mindanao para dagdagan pa ng isang halalang wala namang idudulot na kabutihan.-Joe Torres

loading...

About admin

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply