$1-M ari-arian sa US ng heneral nabuko

$1-M ari-arian sa US ng heneral nabuko

NABULGAR sa Senado ang dalawang mamahaling ari-arian ng asawa ng isang dating heneral ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na sangkot sa “payola” at “pabaon system” kay dating AFP chief Angelo Reyes.

Sa pagpapatuloy ng imbestigasyon ng Senate Blue Ribbon Committee, ibinulgar ni Senate President Pro-Tempore Jinggoy Estrada na mayroong dalawang bahay at lupa sa California ang asawa ni dating AFP comptroller B/Gen. Jacinto Ligot.

Sangkot si Ligot sa paghahatid ng tig-P5 milyon payola ng 15 beses at P50-milyon pabaon kay Reyes nang magretiro ito bilang AFP chief of staff.

Ang tiwaling kalakaran sa loob ng militar ay nauna nang ibinulgar ni dating AFP budget officer Lt. Col. George Rabusa.

“Base sa dokumentong nakalap namin, ang inyong asawa (Erlinda Yambao Ligot) ay mayroong house and lot sa Amerika,” banggit ni Estrada kay Ligot.

Ayon kay Estrada, nasa pangalan ni Erlinda ang isang house and lot sa Stanton, Buenapark City at isa pang house and lot sa Annaheim, California. Hinihinalang nabili ang mga ito mula sa “pabaon system” sa AFP.

“Nabili ang property sa Annaheim noong December 23, 2003 na nagkahalagang $504,000; at noong 2002 naman ang petsa nang pagkakabili sa Buenapark property,” ayon kay Estrada, na hindi nabanggit kung magkano ang huling ari-arian.

Ngunit pinabulaanan naman ng heneral ang naturang ari-arian. Dahil dito, ipinakita ni Estrada ang mga litrato ng bahay at lupa sa Annaheim at Buenapark.

“I don’t know the house, Your Honor. This is the first time I saw this house,” ayon kay Ligot.

“Talagang hindi mo alam ang ginawa ng asawa mo tuwing pupunta sa Amerika?” mariing tanong ni Estrada.

Sa puntong ito, hiniling ni Estrada kay Guingona na ipatawag ang asawa ng heneral upang magbigay-linaw sa akusasyon na siya mismo ang bumili ng mga naturang ari-arian.

“Mr. Chairman, may I request that Mrs. Ligot be summoned to enlighten us regarding this matter,” giit ni Estrada.

Inatasan naman ni Guingona ang committee secretary na magpadala kaagad ng subpoena kay Erlinda.

Nabulgar pa sa Senado na umabot sa 42 beses na bumiyahe sa ibang bansa si Erlinda mula 1993 hanggang 2004.

Ang ilan sa mga ito ay kasama ang kabiyak ni Reyes na si Teresita Reyes, na nagtala naman ng 48 beses na bumiyahe.

Magkasamang umalis sina Erlinda at Teresita ng 13 beses at magkasamang bumalik ng 11 beses.

Kinumpirma naman ni Rabusa na inaabutan niya si Mrs. Reyes ng pabaon na umaabot sa halagang $10,000 kada biyahe sa ibayong dagat. Ernie Reyes

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply