100 estudyante sinaniban ng ‘espiritu’ sa Cagayan

ISANG daang estudyante ng Santa Ana Fishery National High School ang sabay-sabay na hinimatay sa Santa Ana, Cagayan pagkatapos ng isang misa na idinaos sa nabanggit na eskwelahan.

Pinaniniwalaang sinaniban ng espiritu ang mga ito.

Naalarma naman ang kampo ni Mayor Darwin Tobias nang isangguni at humingi ng tulong ang mga guro ng nasabing paaralan sa kanya para dalhin sa pagamutan ang mga nahimatay na estudyante.

Sa panayam ng Bombo Radyo sa alkalde, sinabi nitong naniniwala ang mga guro na sinaniban ng “espiritu” ang mga mag-aaral dahil sa nakalipas na araw ay mayroong mga estudyante na ang hinihimatay.

Dahil dito, nagpamisa ang paaralan na ikinahimatay naman ng isang daang mag-aaral. Ito na ang pinakamarami sa nangyayaring pagsanib diumano ng espiritu sa nasabing paaralan.

Inamin din ng mayor pati siya ay naniniwala ring sinaniban ang mga bata dahil ilan sa mga ito ay nagsasalita ng hindi maintindihan.

Ikinuwento rin ng meyor na posibleng ang ginawang paghuhukay ng lupang malapit sa paaralan para sa fish pond project ng mga estudyante ang dahilan kung bakit sinaniban ang mga bata.

Aniya isang batang sinaniban ang nagsalita ng “ibalik ang hinukay.”

Ayon naman kay Vice Mayor Jeremias Costales ay nahukay sa pinaglagyan ng fish pond ang isang bungo na napag-alamang pinaglaruan pa ng mga estudyante.

Iniutos ni Mayor Tobias na ibalik sa dati ang nasabing hinukay ngunit tinutulan ito ng mga guro dahil anila ay sayang ang proyekto.

Dahil dito ay ikokonsulta sila ng isang ispiritista upang alamin kung tunay na sinasaniban ng espiritu ang mga mag-aaral.

Ayon naman sa doktor na sumuri sa mga mag-aaral, pagod lang ang mga ito kaya hinimatay.

Ipinag-utos na din ng meyor ang masusing pag-inspeksyon sa paligid ng eskwelahan para alamin kung may sumisingaw na gas na maaaring nalanghap ng mga estudyante kaya sila hinimatay. Bineza Zapanta

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply