12 establisimiyento sa Muntinlupa ipinasara

ANG plastic at styrofoam ay isa sa contributory factor sa pagkasira ng ating kalikasan. Kadalasan ang mga establisimiyentong gumagamit nito ang ating binibuntunan ng sisi sa pagbabara ng estero, imburnal at iba pang daluyan ng tubig sa kalsada.

Ang malaking baha na dulot ng bagyong Ondoy noong Setyembre 26, 2009 ay isa lamang halimbawa sa kapabayaan at kasalusalaulaan ng mamamayan.

Dito naisipan ni Muntinlupa City Mayor Aldrin San Pedro ang maghain ng ordinansa para sa pagbabawal sa paggamit ng plastic at styrofoam  sa lugar na kanyang nasasakupan.

Ang Muntinlupa City ay isa lamang sa mga lungsod na nagdanas ng malaking baha ang tubig bahang ito ay bunga ng mga nagtambak na basura, pangunahin na ang mga plastic at styrofoam.

Dahil sa dalawang ulit na paglabag sa pinaiiral na ordinansa na nagbabawal sa paggamit ng plastic at styrofoam ipinasara  ng lokal na pamahalaang lungsod ng Muntinlupa ang 12 establisimiyento, kabilang ang apat na bantog na fast-food chain at isang kilalang bookstore.

Ayon kay Omar Acosta, hepe ng public information office ng Muntinlupa City, nagpasiya si Mayor Aldrin San Pedro na sampolan ang mga kilalang establisimiyento na nananatiling pasaway at hindi tumatalima sa umiiral na ordinansa upang hindi na tularan ng ibang negosyante at patunayan ang pagpapairal ng paninindigang pulitikal sa lungsod.

Sinabi ni Acosta na mula nang ipatupad ang “total ban” sa paggamit ng plastic at styrofoam noong Enero 18, dalawang ulit ng nahuli at na-isyuhan ng tiket ang 12 mga kilalang establisimiyento.

Sa ilalim ng umiiral na ordinansa, ang mga mahuhuli sa ikatlong pagkakataon ay papatawan ng multang P2,500 at pagkakabilanggo ng hindi hihigit sa anim na buwan, bukod sa posibleng pagkakakansela ng kanilang business at mayor’s permit sa loob ng isang taon.

Binigyang diin ni Mayor San Pedro na hindi puwedeng ikatuwiran ng mga may-ari ng establisimiyento na hindi sila naabisuhan nang isagawa ang implementasyon ng naturang ordinansa dahil noon pang nakaraang taon nila inilunsad ang kampanyang pagbibigay ng impormasyon sa pagpapatupad nito.

Nilinaw naman ni Acosta na  may pagkakataon pa ang mga ipinasarang establisimiyento na makapagpatuloy sa pagnenegosyo sa oras na magbayad ng kaukulang multa at tiyaking tatalima sila sa umiiral na ordinansa.

Napag-alaman na umabot na sa 787 ang mga nahuling lumalabag sa ordinansa mula nang ipatupad ito kung saan karamihan ay pawang mga maliliit na ambulant vendors na patuloy na gumagamit ng plastic bilang lagayan ng ibinebentang paninda. Johnny F. Arasga

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply