12 Pinoy na na-trap sa NZ earthquake nire-rescue na

PATULOY ang rescue operations sa12 Filipino na naiulat na na-trap sa iba’t ibang gusali sa Christchurch, New Zealand, na tinamaan ng lindol na may magnitude 6.3 noong Martes.

Ayon kay Philippine charge d’affaires Giovanni Palec, isinasagawa ang rescue sa pamumuno ni  Philippine Honorary Consul to Christchurch Zedric Peter Wait sa pakikipagtulungan sa mga lider ng Filipino community doon.

Ayon sa Department of Foreign Affairs (DFA), tinitiyak pa ang pagkakakilanlan sa 12 Pinoy na nabiktima ng lindol sa nasabing bansa.

Tiniyak ni Assistant Secretary Ed Maglaya na ginagawa ng DFA at konsulado sa nasabing bansa ang lahat ng pamamaraan, sa tulong ng pamahalaan ng Christchurch, upang matiyak ang kaligtasan ng 12 Pinoy na naipit dahil sa lindol.

Tanging dalawang Pinoy lamang ang nakumpirmang nakulong sa Canterbury Television (CTV) at inaalam pa ng awtoridad ang kanilang pagkakakilanlan at kalagayan.

Sinabi pa ng embahada na isang Jay Payot ang nasugatan sa kanyang kamay.

Iniulat naman ng embahada ng Pilipinas sa Wellington na isang embassy team ang ipinadala sa Christchurch upang kumustahin ang kalagayan ng mga Filipino doon.

Sa mga pamilya ng mga Pinoy na nakatira sa naturang lungsod, ipinayo ng DFA na makipag-ugnayan sa ahensiya sa pamamagitan ng mga hot line na ito: 834-4448 at 834-4596.

Inihayag naman ni Wait, na naibalik na ang suplay ng kuryente sa ilang lugar, ngunit nananatiling putol ang mga linya ng telepono kaya nahihirapan ang awtoridad sa koordinasyon.

Tinatayang aabot sa 2,000 Filipino ang naninirahan sa Christchurch.  Isinailalim na sa state of disaster ang lungsod. Ernie Reyes

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply