13th anniversary ng Parañaque, idineklarang ‘special non-working day’

KINATIGAN ng Malakanyang ang kahilingan ni Parañaque Mayor Florencio Bernabe, Jr. na ideklara bilang “special non-working day” ang Pebrero 14 sa kanilang siyudad bilang paggunita sa ika-13 anibersaryo ng pagiging lungsod ng dating munisipalidad,

Sa bisa ng Proclamation No. 106 na nilagdaan ni Executive Secretary Paquito Ochoa, Jr., inilipat ang pista opisyal sa Pebrero 14, 2011, Lunes sa kadahilanang ang petsa ng anibersaryo ng pagkakaapruba sa Parañaque bilang siyudad ay Pebrero 13, 2011, papatak sa araw ng Linggo.

Ginagabayan ng temang “Parañaque Panalo Sa Todo Hataw Na Serbisyo!” maraming aktibidad ang inihanda para sa naturang selebrasyon kabilang ang “musical extravaganza/concert/variety shows”; paligsahan sa sayaw (inter-barangay competitions); “pre-Valentine celebration”; “Pista ng mga Pagkaing gawang-Parañaque”; at “fireworks display”.

Tatampukan din ito ng palatuntunan para sa pagkilala sa “Outstanding Citizens of the City” at “Most Outstanding Employee in Public Service”.

Ang una ay pagkilala sa mga taga-Parañaque na naghatid ng karangalan sa siyudad o bansa dahil sa kanyang katangi-tanging nagawa o kontribusyon.

Ang huli ay parangal para sa natatanging kawani ng gobyerno na kinakitaan ng husay at dedikasyon sa trabaho; magandang ugali at pakikitungo sa nakatataas, nasasakupan, kapwa kawani at pinakamahalaga, ang taumbayan; at natatanging nagawa para sa kabutihan o benepisyo ng kanyang departamento o ahensiya at siyudad. Johnny F. Arasga/Amor Virata

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply