174 bagong kaso ng HIV naitala

MAY kabuuang bilang na 174 ang nadagdag sa mga may HIV sa bansa nitong Disyembre 2010 lamang o 38 porsyento na mas mataas kumpara  sa 126 na bilang ng may HIV noong Disyembre ng nakaraang taon.

Ayon kay LPGMA party-list Rep. Arnel Ty, ang bagong diagnosed infections ay nagdala sa bilang na 1,591 sa kabuuang bilang ng HIV cases na naiulat sa loob ng 12 buwan ng taong 2010.

Halos dumoble ang bilang na 835 na nakitang may sakit na HIV noong taong 2009 sa naging report ng National HIV and AIDS Registry.

Sinabi ni Ty na kinakailangan na ang pagre-review sa 1998 AIDS Prevention and Control Law sa paghanap ng makabagong pamamaraan upang labanan ang HIV sa bansa.

Inilarawan ni Ty ang mga bagong may HIV na 167 ang lalaki at pito rito ay mga babae. Tatlo sa kanila ay may full-blown AIDS cases na.

Labing-apat sa mga bagong naitalang HIV-positive ay pawang mga lalaking overseas Filipino workers.

Sinabi pa ng solon na ang National HIV at AIDS Registry ay may kabuuang naitalang bilang na 6,015 case ng HIV kung saan ay 857 ang full-blown AIDS cases na.

Sa lahat ng kaso ng HIV ay 90 porsyento o 5,406 cases sa registry ay mga nakuhang sakit sa kawalan ng proteksyon habang nakikipagtalik.

Ilan sa mga HIV cases ay nakuha naman sa karayom na ginamit ng may infected sa mga drug users at ang mother-to-child transmission.

Nagbigay nang babala ang Philippine National AIDS Council na ang kaso ng HIV sa bansa ay maaring umabot sa 46,000 sa taong 2015 kung hindi mahanapan ng solusyon o istratehiya sa paglaganap ng nakamamatay na sakit.

Pabor si Ty sa pagsasagawa ng ‘community outreach programs’ upang maitago ang pagsasagawa ng pagsusuri ng HIV/AIDS cases at mabigyan ng libreng paggagamot sa mga may HIV. Beth Aragon

About admin

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply