2-taon gulang na bata tigok sa silver cleaner

SANTIAGO CITY, Isabela-Naghihinagpis ang mag-asawang vendor matapos bawian ng buhay ang musmos nilang anak nang aksidenteng mainom nito ang asidong panlinis ng alahas na pakalat-kalat sa loob ng kanilang bahay.

Bagamat mabilis na naisugod sa Southern Isabela General Hospital ang biktima na si Christine Gomez, agad din itong binawian ng buhay makalipas ang 30 minuto.

Ayon sa mga attending physician ng nasabing pagamutan, maraming nainom na silver cleaning solution ang batang biktima na agad nakapinsala sa hibla ng kanyang bituka. Diumano, nakalagay sa bote ng softdrinks ang likido kaya nang madampot ito ng paslit ay agad nitong nilagok.

Hindi naman matangap ng ina ng biktima na si Mildred, 24, ang sinapit ng anak. Nabatid na kasama ng musmos nang mangyari ang insidente ang hindi pinangalanang tagapag-alaga nito. Maari umanong nalingat ang tagapag-alaga kaya hindi namalayan na nadampot ng paslit ang bote.

Nagulat na lamang umano ang tagapabantay nang mag-iingay ang paslit at makitang bumubula na ang bibig nito. Magkasamang nagtitinda ng siomai ang mag-asawang Gomez sa lungsod ng Santiago nang matanggap ang text message ng nag-aalaga sa kanilang anak na nagsasaad na isinugod ito sa pagamutan. Jun C. Fuentes

loading...

About admin

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply