$2M UAV bagong anomalya sa AFP

PANIBAGONG multi-milyong anomalya ang nabunyag sa Senado hinggil sa pagbili ng pumalpak na Unmanned Armored Vehicle (UAV) na nagkakahalagang $2 milyon ng Armed Forces of the Philippines mula sa Israel.

Sa pagpapatuloy ng imbestigasyon ng Senate Blue Ribbon Committee sa pamumuno ni Sen. Teofisto Guingona III, sinabi ni dating AFP budget officer Lt. Col. George Rabusa na inutusan siya ni Gen. Roy Cimatu na mag-produce ng $2 milyon bilang pambili ng naturang sasakyan.

“I was ordered by Gen. Cimatu to produced $2 million within the week and I produced it kasama ko si Gen. Lohico,” ayon kay Rabusa hinggil sa pambili ng UAV.

Sinabi pa ni Rabusa na walang naganap na canvassing at bidding sa naturang proyekto dahil inaprub kaagad ng nakatataas na opisyal ng Department of National Defense dahil masyado nang agrabyado ang militar sa Abu Sayyaf.

“Pina-convert ko ang pera sa dolyar mula sa RTS (return to sender) system ng military saka dinala ko ang pera sa Security Bank sa Herrera Branch Makati,” ayon kay Rabusa.

Sa tanong ni Senador Jinggoy Estrada kung bakit sa Herrera Branch ng Security Bank dinala ang naturang halaga dahil nasa Quezon City ang Camp Aguinaldo, sinabi ni Rabusa na kaibigan ni ret. Gen. Lohico ang branch manager nito na isang Bermie Tukmo.

“Kaibigan ni Gen. Lohico ang branch manager na si Bermie Tukmo na tuwang-tuwa nang matanggap ang pera at napromote pa siya bilang over all supervisor ng Security Bank sa buong Makati,” giit ni Rabusa.

Inihayag pa ni Rabusa na dinala ang naturang AUV sa Basilan, “Pero nagkabagsakan (ang UAV) kaya hindi nagamit ang mga demo units.”

“Walang canvassing, walang bidding, kinuha kaagad namin dahil aprub na sa itaas,” giit ni Rabusa.

Dahil pumalpak ang sasakyan, nabawi naman ng AFP ang ibinayad na buwis ng ahensiya sa Bureau of Customs sa pamamagitan ng isang Commander Paglikawan na nagkakahalaga ng P2.1 milyon saka ibinalik ni Rabusa ang kabuuan ng halaga kay Gen. Villanueva.

Colonel tumestigo

Isa pang aktibong military colonel ang lumutang kahapon sa Senado upang tumestigo rin para patunayan ang talamak na korapsyon sa AFP.

Sa kanyang unang pagdalo sa pagdinig ng Senate blue ribbon committee, mangiyak-ngiyak si Col. Antonio Lim sa kanyang opening statement dahil tiyak umanong maapektuhan ang kanyang seguridad maging ang kanyang pamilya.

Si Lim ay dating assistant ng isa pang testigo na si dating AFP budget officer George Rabusa.

Sinuportahan ni Lim ang mga akusasyon ni Rabusa kung saan ilan pa sa isiniwalat nito ay ang umano’y pagbuo ng panibagong tanggapan na tinawag na additional operational enhancement funds (AOEF) na naglilikom ng pondo mula sa J-staffs na pantustos sa operasyon ng militar sa Basilan.

Layunin umano ng pagbuo ng naturang tanggapan ay upang hindi magalaw ang pondo mula sa Provision for Command Directed Activities na umano’y pinagkukunan ng pabaon at pondong ibinibigay sa mga matataas na opisyal ng militar.

Dumulog na rin si Lim sa Deparment of Justice upang magpasailalim sa witness protection program dahil sa pangamba sa kanyang seguridad.

Samantala, ibinunyag din ni Rabusa na nabigyan ng pabaon sina dating AFP chief of staff Diomedio Villanueva na P160 milyon at Roy Cimatu na P80 milyon nang magretiro ang mga ito.

Subalit, hindi mabatid ni Rabusa kung natanggap ni Villanueva ang nasabing pabaon makaraang tanungin ni Senador Jinggoy Estrada kung nakuha ito ng dating AFP chief.

Ani Rabusa, hindi niya personal na binigay kay Villanueva at Cimatu ang naturang pabaon dahil si Garcia na raw ang bahala rito.

Mariin namang sinagot ni Villanueva na wala siyang natatanggap na anumang pabaon.

Nauna rito, inihayag ni Rabusa na may ginawang iba pang mapagkukunan ng pondo ang AFP dahil ayaw ipagalaw ang Provision for Command Directed Activities (PCDA) dahil dito umano kinukuha ang pera na ibinibigay para sa “pabaon” sa mga magreretirong chief of staff.

Dahil dito, iginiit ni Estrada na dapat ay ma-contempt si Garcia, subalit matapos ang ilang minutong suspensyon ay nagpasya ang mga senador na ipagpaliban ito sa susunod na pagdinig dahil sa wala silang nabuong quorum pero gigil pa rin ang senador.

Sinabi ni Rabusa na sangkot din sa korapsyon sa AFP ang mga supplier ng AFP.

Ayon kay Rabusa, binabayaran ng cash ang mga suppliers ngunit walang deliveries na dumadating. Ernie Reyes/Vicky Cervales

loading...

About admin

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply