3 Gabinete ni PNoy, lusot ulit sa CA

MULING nakalusot sa kumpirmsyon ng Commission on Appointments (CA) ang tatlong miyembro ng Gabinete ni Pangulong Benigno “PNoy” Aquino III sa harap nang namimintong balasahan sa Palasyo.

Sa isinagawang plenary session ng CA, inaprubahan ng bicameral body ang ad interim appointment nina Secretary Mario Montejo ng Department of Science and Technology (DOST), Secretary Rosalinda Baldoz ng Department of Labor and Employment (DOLE) at Secretary Enrique Ona ng Department of Health (DOH).

Inusisa pa ng ilang miyembro ng CA kung apektado sila ng balasahan sa Gabinete dahil mawawalan ng silbi ang paglusot nila kung kasama naman sila sa balasahan ni Pangulong Aquino.

“I have no idea your honor,”sagot ni Baldoz.

Inirekomenda ni Sen. Franklin Drilon ang kumpirmasyon ng appointment ni Baldoz dahil aniya ay kilala niya ang reputasyon ng kalihim kung saan noong nanilbihan siyang kalihim ng DOLE noong administrasyon ni Cory Aquino ay nai-promote pa niya ito sa National Conciliation and Mediation Board (NCMB).

Hindi na rin hinarang ni Sen. Miriam Defensor Santiago ang pagpapatibay ng appointment ni Ona matapos na mangako itong susundin ang policy sa paghihigpit ng non-related organ donation.

Sa plenaryo, walang tumutol sa kumpirmasyon ng tatlo kaya mabilis na inaprubahan ito.

Nauna nang nakalusot sa CA sina   Executive Sec. Paquito Ochoa, Sec. Rogelio Singson ng  DENR, Agriculture Sec. Proceso Alcala, Tourism Sec. Alberto Lim, Energy Sec. Jose Rene Almendras, Sec. Gregory Domingo ng DTI at Education Sec. Armin Luistro. Ernie Reyes

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply