4,015 babae namamatay sa pagbubuntis kada taon

UMAABOT sa 4,015 kababaihan ang namamatay kada taon dahil sa pagbubuntis.

Ito ang datos na inihatid ng 50 kababaihang miyembro ng Partido Manggagawa sa ilang senador sa kanilang isinagawang Valentine’s Day visit upang ipabatid sa Senado ang pangangailangan na aprubahan ang Reproductive Health Bill.

Binigyan nila ng malalaking kulay pulang unan na hugis puso ang mga mambabatas na sumusuporta sa RH Bill at maliliit naman para sa mga ‘di pa nagdedesisyong  suportahan ang panukala.

Ayon kay PM Secretary General Judy Ann Miranda, umaabot sa labing-isang mahihirap na kababaihan ang namamatay kada araw sa pagbubuntis at panganganak dulot ng komplikasyon sa kalusugan.

Ipinaliwanag ni Miranda na isinusulong ng kababaihang manggagawa ang RH Bill simula pa noong 1998, labindalawang taon na ang nakalilipas, kaya’t umaabot na sa tinatayang 48,180 buhay ng kababaihan ang nawawala.

“Wala bang kuwenta ang mga nalalagas na buhay na ito ng kababaihan sa gobyerno at sa Simbahang Katoliko?” tanong ni Miranda.

Aniya, hindi lang family planning ang nakatakdang probisyon sa panukalang batas kundi may pag-uutos na kailangang may skilled midwives ang dapat tumutok sa bawat buntis sa kanayunan at sentrong urban.

Naniniwala ang PM na nililito lang ng Simbahang Katoliko ang mamamayan hinggil sa isyu ng family planning sa halip na ipaliwanag na mahalagang payagan ang kababaihan na magsagawa ng desisyon na may kinalaman sa kanilang kalusugan nang walang diskriminasyon, pamimilit at karahasan.

Kasabay nito, binatikos din ng naturang grupo ang Palasyo na madaling bumigay sa Simbahang Katoliko sa halip na ikonsidera ang pangangailangan sa reproductive health ng kababaihan na tinawag niyang boss sa kanyang state of the nation address. Ernie Reyes

loading...

About admin

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply