$5-M UN reimbursement fund sa AFP missing din

MALIBAN sa kontrobersiyal na P200 million AFP inter-agency transfer fund, nawawala rin umano ang $5 million pondong ibinigay ng United Nations (UN) para sa Armed Forces of the Philippines (AFP).

Ito ang panibagong ibinunyag ni dating state auditor Heidi Mendoza, sa kanyang pagharap sa imbestigasyon ng House committee on justice sa kaso ni dating retired military comptroller Carlos Garcia.

Ayon kay Mendoza, ang nasabing pondo ay reimbursement umano ng UN sa AFP pero hindi pumasok sa accounts ng sandatahang lakas.

Ibinunyag din ng testigo ang dalawang clearing accounts ng AFP sa General Santos City at Iloilo City, subalit nabigo naman si Mendoza na maiugnay ang nasabing bank accounts sa missing funds.

Sa kanyang pagharap sa imbestigasyon, inihayag din ng resource person na makailang beses siyang sinabihan ng kanyang mga opisyal sa Commission on Audit (COA) na maghinay-hinay sa ginagawang imbestigasyon sa kaso ni Garcia.

Partikular na tinukoy ng testigo si dating COA Chairman Guillermo Carague na umano’y nagsabi sa kanyang huwag nang gumawa ng report sa pagbusisi sa bank records ng kontrobersiyal na military comptroller.

Mayroon pa umanong pagkakataon na inalok siya ni Carague ng anumang posisyon kapalit ng pagbaon nito sa limot ng mga natuklasang ebidensiya.

Labis din umanong ikinabahala ni Mendoza ang mga pahayag ng Office of the Ombudsman na mahina ang kanilang ebidensiya laban kay Garcia, kung kaya’t napilitan ang government special prosecutors na pumasok ng plea bargain deal.

Sa katunayan, noong December 2010, nakatanggap pa ito ng tawag sa telepono kung saan pinipilit umano siyang bawiin ang testimoniya sa Sandiganbayan para maabsuwelto sa kasong plunder si Garcia. Gwenn Salamida/Photo by Ivan Gaddia

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply