AFP dinudurog ni Reyes sa ‘pabaon’ — Gringo

TULUYANG magigiba ang kredibilidad ng Armed Forces of the Philippines (AFP) kung hindi magsasabi ng katotohanan at aamin sa katiwalian si dating Defense Secretary Angelo Reyes ukol sa pambubulsa ng pondo ng militar sa pamamagitan ng “pabaon system,” ayon kay Sen. Gregorio “Gringo” Honasan.

Sa pagdinig sa Senado Martes ng umaga, sinabi ni Honasan na hindi siya sang-ayon sa panukala ng kasalukuyang liderato ng AFP na magsagawa ng imbestigasyon ukol sa nasabing katiwalian.

Una rito ay pinaratangan ni dating AFP budget officer Lt. Col. George Rebusa ang mga naging chief of staff, kabilang si dating AFP chief at Defense Secretary Angelo Reyes, ng pagkakamal ng kayamanan mula sa badyet ng militar.

Idinawit ni Rabusa sina Reyes, dating AFP comptroller ex-Gen. Carlos Garcia at Lt. Gen. Jacinto Ligot sa tinawag na “pabaon system” sa militar kung saan nakakakuha ang dating AFP chief ng P50 milyon sa kanyang pagreretiro bukod pa sa P5 milyon “kita” buwan-buwan.

Ani Honasan, dapat ipaubaya na lamang ang imbestigasyon sa Department of Justice (DOJ) at Office of the Ombudsman at lilikha ang Kongreso ng kaukulang batas upang tuluyan nang tuldukan ang pabaon system sa AFP.

Sa Huwebes, Pebrero 3, ipagpapatuloy ng Senate Blue Ribbon Committee, sa pamumuno ni Sen. Teofisto Guingona III, ang imbestigasyon sa pamamagitan ng paghaharap ng panibagong saksi sa pabaon system na magdidiin umano kina Reyes, Garcia at Ligot.

Tumanggi si Senate President Pro-Tempore Jinggoy Estrada na banggitin ang pangalan ng mga panibagong saksi upang hindi umano malagay sa alanganin ang kanilang seguridad. Ernie Reyes

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply