Akbayan binatikos ng CBCP sa pamimigay ng condom

INAKUSAHAN ng mga opisyal ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) ang militanteng grupong Akbayan na ginagawang “cheap” ang selebrasyon ng Araw ng mga Puso at sinisira ang “tunay na kahulugan” ng pagdiriwang nito.

Ito’y kasunod nang pamimigay ng grupo ng condom sa publiko nitong Valentine’s Day, upang ipakita ang kanilang tahasang pagsuway sa panawagan ng simbahan sa Department of Health (DOH) na itigil na ang pamimigay ng naturang contraceptive.

Binatikos ng CBCP officials na sina Manila Auxiliary Bishop Broderick Pabillo, chairman ng National Secretariat for Social Action Justice and Peace (NASSA) at ni Monsignor Pedro Quitorio, ng media office director ang ginawa ng grupo.

“It’s really inappropriate. If the spirit of Valentine’s Day is love, that love should be in the context of marriage,” ani Quitorio.

Ayon naman kay Pabillo, hindi niya maintindihan kung ano ang nais na patunayan ng naturang grupo at iginiit na hindi solusyon ang condom sa pagkalat ng HIV/AIDS infection.

Iginiit ni Pabillo na kung talagang nais ng Akbayan na makatulong sa mahihirap, hindi condom ang dapat na ibigay ng mga ito, kundi pagkain at disenteng trabaho.

Inakusahan pa ni Pabillo ang grupo na tinuturuan ang mga tao na maging iresponsable sa pamamagitan nang pagsusulong sa safe sex.

Muli ring nanindigan sina Pabillo at Quitorio na ang pamimigay ng condom ay nagbibigay ng maling mensahe sa mga tao, partikular sa mga kabataan na okey lamang na makipag-premarital sex, basta’t gumagamit ng condom.

Nauna rito, namahagi ng libreng condom na may mensaheng “Have a Heart for RH bill” na nakasulat sa isang karton na hugis-puso, ang grupo sa pangunguna nina Akbayan Rep. Kaka Bag-ao at spokesperson Risa Hontiveros sa mga vendor at mga kostumer sa Mega-Q Mart nitong Lunes.

Ayon sa grupo, layunin ng kanilang aksiyon na mapigilan ang pagkalat ng HIV/AIDS infections sa bansa. Kyle Gatus

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply