Aksyon vs Aquino admin ‘plano pa lang’ – Cruz

NILINAW ni Lingayen-Dagupan Archbishop Emeritus Oscar Cruz na wala siyang alam sa plano ng tatlong grupong diumano’y dismayado sa pamahalaan ni Pangulong Benigno Aquino III at nais na pabagsakin ang kasalukuyang administrasyon.

Sa panayam ng Remate sa telepono,  sinabi ni Cruz na pinaplano pa lamang ng mga ito ang “dapat nilang gawin” sa gitna ng “poor performance” ng isang “incompetent” na Pangulo.

Nangangalap pa rin aniya ang mga ito ng mga taong susuporta sa kanilang layunin upang matiyak na magtatagumpay sila sa oras na umaksyon na.

“Hindi pa nais ibagsak.  Nangangalap pa sila ng mga taong susuporta sa kanilang gusto,” dagdag ni Cruz.

Ayon pa sa Obispo ng Simbahang Katoliko, tatlo na ang grupong nagnanais mapaalis sa poder si Pangulong Aquino.

Ang unang grupo aniya ay “dissatisfied” sa performance ng Pangulo, ang ikalawang grupo ay may political power, at ang pangatlo ay may ideyolohiya.

Sa tatlo, pinakamatindi aniya ang mga may ideyolohiya dahil “utak sa utak” ang ginagamit ng mga ito.

Ayon kay Cruz, bagama’t hindi magkakasama ang mga naturang grupo, sinuman ang magsimulang umaksiyon sa mga ito laban sa pamahalaan ay tiyak na susuportahan ng iba pang grupo.

Bagama’t naiintindihan naman umano ni Cruz ang hinaing ng mga naturang grupo na nag-ugat sa mga “kapalpakan” ng administrasyon, pinayuhan pa rin naman umano ng arsobispo ang mga ito na dahil wala pang isang taong nanunungkulan si Pangulong Aquino kaya’t napakaaga pa para husgahan ang pamahalaan nito.

Kasabay nito, sinabi ni Cruz na ang pagkabigo ng pamahalaan na maresolba ang serye ng mga krimen sa bansa at hindi magandang lagay ng peace and order situation ay nakakadagdag sa pagkadismaya ng mga naturang grupo.

Aniya, maaaring magamit ang naturang insidente para palitawin kung gaano “kahina” ang kasalukuyang pamahalaan sa pagpapatupad ng batas at sa pamamahala nito sa bansa.

Tumanggi pa rin naman si Cruz na ibunyag sa Remate kung sinu-sino ang mga naturang grupo bagamat sinabing regular niyang nakakausap ang mga ito.

Hindi rin naman aniya humihingi ng payo sa kanya ang mga ito, at siya ay nagsisilbing tagapakinig lamang ng mga hinaing at plano ng mga ito.

Una nang sinabi ni Alyansa ng Filipinong Mamamahayag (AFIMA) President Benny Antiporda na walang destabilisasyong nagaganap sa pamahalaan.

Aniya, marami lang problema sa kasalukuyang administrasyon na kung hindi mabibigyang pansin ay maaaring maging ugat na nga ng planong pagpapabagsak sa pamahalaan. Kyle Gatus

loading...

About admin

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply