Ang ale at ang iligal na droga

NAKAKAGIGIMBAL ang mga kwento ng mga babaing nahuli ng kasong drug trafficking. Nakakapanghina ang kwento nila ng mga detalye kung paano nila ipinupuslit ang mga kontrabandong droga.

May pinapa-lunok bago sumakay sa pinagmulang airport at pipiliting ilabas sa destinasyon, mga droga na nakalagay sa kapsula.

Hindi mo na maatim alamin kung anong paraan ang gagawin para mailabas sa katawan ang mga nilunok na kapsula na lalagyan ng mga iligal na droga, minsan walong kapsula, minsan sampu, lulunukin lahat, tapos ilalabas lahat pagdating sa destinasyon.

Nagsisilbing taguan ang katawan ng tao dahil hindi na makikita ng x-ray machines kapag nasa loob na ng katawan ang mga droga na naka-kapsula. Ang mas nakaka-awa ay yung mga nakaranas pa na ipasok sa kanilang ari ang mga malalaking kapsula na naglalaman ng mga bawal na droga.

Karamihan sa kinukuhang mga drug traffickers ay mga babae. Isa sigurong dahilan ay walang ari ang lalaki na mapapagtaguan ng mga kapsula.

Sa kaso ng drug trafficking sa bansa ay isyu ng exploitation of women ang nangingibabaw. Marami sa mga babaing drug traffickers na ang binibigay na dahilan kung bakit sila pumapayag sa iligal na gawaing iyon ay kahirapan.

Malaki daw ang bigayan sa pagpupuslit ng iligal na droga. May ilan na kapit sa patalim na lang talaga. May isang kwento na kapalit ng pamasahe pauwi sa Pilipinas ay pumayag maging drug courier. Meron pa na namatay ang asawa sa ibang bansa, inabuso ng amo kaya napilitang maging drug mule para makatakas sa masaklap na sitwasyon at makauwi na sa Pilipinas.

Sa lahat ng ito, ang naghuhumiyaw ay ang paghingi ng tulong ng ating mga kababaihan na naaabuso, na-e-exploit, at nagiging biktima ng mga malalaking sindikato sa ibang bansa.

Sila ang mga ina, mga maybahay, mga kapatid at anak ng Pilipino na nangarap ng mayos na buhay na hindi makamtan sa Pilipinas kaya sumusugal na makapunta sa ibang bansa, iniiwan ang asawa at anak para lang kumita ng pera.

Ilan sa kanila ay minalas na makatagpo ng masamang karanasan at sinamantala naman ng mga sindikato.

Hindi dapat kunsintihin ng gobyerno ang ano mang iligal na gawain pero hindi natin dapat iiwas ang ating puso at damdamin sa kalagayan ng marami sa mga kababaihang Pilipino na nasa labas ng bansa, malayo sa tahanan, lantad sa karahasan at laging nakaumang sa kapahamakan.

Huwag natin silang pabayaan, huwag natin silang kalimutan. Tungkulin ng sambayanan na sila ay pangalagaan at protektahan ang kanilang kalagayan.

Mag- email po kayo sa akin tungkol sa usaping ito sa: ariel.inton@gmail.com. Mahalaga sa akin na malaman ang inyong saloobin at opinyon
.- Ariel Enrile-Inton

loading...

About admin

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply