Antipolo hiniling na ideklarang highly urbanized city

NAGPASA ng resolusyon sina Antipolo City Mayor Nilo Leyble, Vice Mayor Susan Garcia-Say at iba pang opsiyal na humihiling kay Pangulo Benigno “Noynoy” Aquino III na ideklarang highly urbanized city na ang Antipolo mula sa pagiging component city ng Rizal province.

Mula sa pagiging munisipyo ng Rizal, isa ang Antipolo sa pinakamabilis na umunlad na siyudad sa Silangang bahagi ng bansa, dahilan marahil sa kanyang pagiging karatig ng Metro Manila.

Base sa impormasyon ng local city treasurer, may higit-kumulang sa P1.2 bilyon ang annual income, may populasyon na 633,971 katao ayon sa National Statistics Office.

“Nalampasan na ng Antipolo ang minimum requirements para maging isang highly-urbanized city,” ayon kay Leyble. Malaking tulong para sa  Antipolo ang mas malaking parte ng Internal Revenue Allotment mula sa national government, dagdag pa niya.

“Mas makabubuti po na ma-convert sa highly urbanized city ang component city ng Rizal upang magkaroon ng mas maraming proyekto at nang lumaki rin ang IRA na matatanggap ng siyudad,” ani Leyble.

Bukod dito, tiwala rin ang pamunuan ng Antipolo na makakamit ng Antpolo ang buong potential na maging maunlad na siyudad, mas prestihiyosong destinasyon para sa investors hindi lamang mula sa ibang lugar sa bansa kundi maging sa iba’t ibang panig ng mundo.

Inaasahan ng pamunuan ng Antipolo ang pagsang-ayon ni Pangulong Aquino upang agad magkaroon ng plebisito. Gwenn Salamida

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply