APO Hiking Society Jim Paredes inupakan ni Gringo

UMALMA na si Sen. Gregorio “Gringo” Honasan sa patutsada ni Jim Paredes, miyembro ng APO Hiking Society sa pagiging opurtunista umano ng senador nang lumahok sa EDSA Power People Revolution.

Sa panayam, ipinaliwanag ni Honasan na tuluyan na niyang pinatulan si Paredes sa isang programa kaugnay ng People Power dahil masyado nang “napuno ang salop.”

“20 years na ang batikos sa akin eh, kaya napuno na ako,” ayon sa senador.

Sinabi ni Honasan na ayaw na sana niyang patulan si Paredes subalit masyado na umano siyang nayayabangan sa mga pahayag nito tungkol sa key players ng EDSA 1.

“May sayad din yan at may hangin,” patutsada pa nito sa isang panayam.

Nagsimula ang away ng dalawa nang mag-tweet si Paredes at pinasaringan si Honasan na isang ‘oportunista’ sa nasabing media event na binansagan na, “Ganito Sila Noon, Paano tayo Ngayon?”

They joined EDSA to save their asses against Marcos. When it was safe again, they launched their coups,” ayon sa tweet ni Paredes.

“Serial coup plotters who never accepted the people’s will, except when they won in elections. They owe the people an apology. They were plain users without the nations good in mind,” resbak naman ng singer.

Kuwento ni Honasan, sinagot niya ang bintang na oportunista sa pamamagitan ng paliwanag na ilang taon siyang labas-masok ng kulungan, pitong taon na nasa underground, 17 na naging sundalo at nakatikim ng bala sa katawan.

“Ang tawag ba doon opportunism,” paliwanag ng senador.

Aniya, walang karapatan si Paredes na magsalita sa partisipasyon niya sa EDSA Revolution dahil nag-compose lamang naman siya ng kanta para sa rebolusyon.

“Mirun lang siya noong EDSA Revolution eh kami kung sumablay kami, todas kami,” patutsada ng senador.

Kinuwestiyon din ng senador ang pagtungo ni Paredes sa Australia upang doon magtrabaho matapos na tumamlay ang kanyang career sa Pilipinas.

“Eh noong malaos siya, umalis papuntang Australia dahil sa personal reason. Tapos ngayon bumalik siya, sinasabi niyang makabayan siya?”dagdag ng senador.

Muling nanindigan si Honasan na makikipagdebate lang muli siya kay Paredes kung tatakbo ito at mananalo sa eleksyon kahit pang-barangay lamang. Ernie Reyes

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply