Aquino noon, Aquino ngayon…wala pa ring pagbabago-grupo

WALANG pagbabago.’

Ito ang mensahe ng Kadamay, ang militanteng grupo ng maralitang-lungsod, sa paggunita ng ika-25 anibersaryo ng pag-aalsang EDSA.

Anila, “dalawampu’t limang taon na ang nakakaraan pero ang mga isyu at problema ng mamamayan na kanilang ipinaglaban at pinagbuwisan ng buhay ay patuloy pa ring namamayani sa ating bayan hanggang sa kasalukuyan.”

Dagdag nila, “papalaki ang utang ng bansa na umabot na sa P4.42 trilyon, ayon sa pinakahuling tala ng gubyerno noong katapusan ng Oktubre ng nakalipas na taon. Batay din sa datos ng 2010, ang depisito sa badyet ay lumobo na sa P300 bilyon at ang Gross Domestic Product o GDP ng bansa ay umabot lamang sa 1.10%. Kaakibat pa ito ng patuloy na pagsirit ng presyo ng mga batayang bilihin, presyo ng langis, kuryente, tubig, at iba pa. Dagdag na pahirap pa dito ang mga ipinataw na buwis tulad ng EVAT at mukhang may plano muli ang gubyernong Aquino na magpataw ng mga panibagong buwis para makaahon sa papalaking depisito nito.”

“Paparami din ang bilang ng manggagawang tinanggalan ng trabaho, habang ang iba ay nagtitiis sa kakarampot na sahod. Dumarami din ang bilang ng maralitang-lungsod na walang trabaho o kabuhayan kasabay ng paggiba ng kanilang mga tirahan”, ayon kay Carlito Badion, pangalawang tagapangulo ng Kadamay. “Hindi na malaman ng mga magsasaka kung paano mabuhay dahil sa malawakang pangangamkam sa kanilang mga lupang sakahan. Walang ampat ang mga pagdukot at pamamaslang sa mga aktibista at mamamahayag.”

Ayon sa grupo, “ito ang mga pangunahin at batayang problema ng mamamayan noon na humantong sa isang pag-aalsa. Ito rin ang mga pangako ni Gng. Corazon Aquino matapos siyang mailuklok sa kapangyarihan, ito pa rin ang pangako ng kanyang anak na si G. Noynoy Aquino”. “Sa mahigit 8 buwan ng panunungkulan ng batang Aquino, mayroon ng 23 biktima ng ekstra-hudisyal na pamamaslang, may 360 pa ring political prisoners ang hindi pa rin napapalaya, mayroon ng 380 araw ang lumipas na ipangako ni G. Aquino ang pamamahagi ng lupa sa Hacienda Luisita”, dagdag nila.

Ang babala ng Kadamay sa kasalukuyang gubyerno, “dapat na nitong tuparin ang mga ipinangako nitong pagbabago sa gubyerno kung ayaw nitong maulit ang pag-aalsang EDSA. Maaaring maulit ang kasaysayan, at sa panahong ito, magiging laban na ito sa kanya at ng kanyang pamilya”, sabi ng grupo.

loading...

About admin

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply