ARMM polls sa Agosto mauudlot

MALAKI ang posibilidad na hindi matuloy ang eleksyon sa Autonomous Region in Muslim Mindanao sa Agosto.

Ito ang itutulak ng Malakanyang sa nakatakdang Legislative-Executive Development Advisory Council sa Pebrero 28, 2011.

Naniniwala si Executive Secretary Paquito Ochoa na dapat na munang ipagpaliban ang eleksyon sa ARMM bunsod ng sunod-sunod na halalan sa bansa at upang mabigyang-daan ang pagkaka-synchronize ng eleksyon sa 2013.

Pinabulaanan naman nito ang balitang nananatiling malakas pa rin ang galamay ng mga Ampatuan at malabong manalo ang kanilang mga kandidato roon.

Wala namang balak ang Malakanyang na mag-appoint na lang ng mga lokal na opisyal sa ARMM lalo pa’t itinutulak nila na maipagpaliban ang eleksyon doon.

Iyon ay dahil malinaw na may lalabaging batas ang Punong Ehekutibo dahil na rin sa term limit ng local government official.

Sa kabilang dako, inamin ni Ochoa na kinonsidera nila sa posisyon nilang ipagpaliban ang eleksyon sa ARMM ang pulso ng mga taga-ARMM.

Maging si Ochoa ay kumbinsido na may problema sa budget ng Comelec sa pagdaraos ng ARMM election.

Sinasabing gagastos ng mahigit sa P3B-P4B ang komisyon para sa halalang ito.

Samantala, hihilingin ng Commission on Elections sa mga miyembro ng Joint Congressional Oversight Committee on the Automated Election System na mag-convene na para masimulan na ng poll body ang preparasyon para sa Autonomous Region in Muslim Mindanao polls.

Ayon kay Comelec Chairman Sixto Brillantes, personal niyang hihilingin sa mga miyembro ng naturang komite na mag-convene sa lalong madaling panahon, para maaprubahan ang sistemang gagamitin sa naturang halalan.

Nais umano nilang masimulan na ngayong buwan ang paghahanda para matiyak na hindi magkakaaberya ang naturang eleksiyon, tulad ng naganap na Barangay and Sangguniang Kabataan polls noong Oktubre 25.

Salig sa Section 27 ng Poll Automation Law, ang naturang komite ang responsable sa ebalwasyon at pag-apruba ng automated polls system na maaaring gamitin sa ARMM polls.

Ani Brillantes, sasabihin niya sa mga miyembro ng komite na ia-adopt nila ang rekomendasyon ng Comelec Advisory Council at sisimulan na nila ang paghahanda.

Nabatid na noong nakaraang linggo ay napagkasunduan ng Comelec en banc na muling gamitin ang Precinct Count Optical Scan machines, na ginamit noong May 10 automated national and local elections, batay na rin sa rekomendasyon ng CAC.

Ayon sa CAC, wala na silang sapat na panahon para humanap pa ng ibang sistemang maaaring gamitin sa halalan, kaya’t inaprubahan nila ang paggamit muli ng PCOS machines.

Hiniling na rin ni Comelec Commissioner Rene Sarmiento sa panel na pagbigyan sila na makapaghanda nang maaga para sa halalan.

Ani Sarmiento, kung mabibigo silang makapagsimula ng preparasyon ngayong buwan, posibleng kapusin sila ng panahon. Kris Jose

About admin

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply