Army vs Abu Sayyaf, 7 todas
LIMANG miyembro ng bandidong Abu Sayyaf ang napatay kabilang ang lider ng grupo habang dalawa naman ang nalagas sa panig ng pamahalaan nang salakayin ng mga tauhan ng Philippine Army ang pinagkukutaan ng mga kalaban sa Basilan kahapon.
Iniulat ni Western Mindanao spokesman Col. Randolf Cabangbang na ilang sibilyan ang nagpahatid ng impormasyon sa kanilang tropa hinggil sa presensiya nina Radzmil Janatul at ng may 30 tuhan nito na nagkukuta sa may Barangay Baiwas, bayan ng Sumisip.
Agad na naglatag ng isang tactical operation ang mga tauhan ng Army 4th Scout Ranger Battalion at ginapang ang itinuturong ASG encampment bandang alas 4:30 ng madaling araw.
Sa ulat na ipinarating kay Philippine Army chief Ltgen Arturo Ortiz ni Special Operation Task Force Basilan Commander Brig. Gen Nicanor Dolojan, tumagal nang may tatlong oras ang sagupaan na nagresulta sa pagkamatay ng limang bandido at hindi mabilang na sugatan sa panig ng mga rebelde, batay na rin sa personal account ng mga sundalo.
Dagdag pa ni Brig. Gen Dolojan, grupo umano ni Abu Sayyaf sub leaders Radzmil Janatul at Juhaiber Alamsirul alias Abu Kek, pawang mga follower ni Abu Sayyaf leader Puruji Indama, ang kanilang nakasagupa.
Sa panig naman ng militar, dalawa ang nasawi habang lima ang sugatan na kaagad namang na-airlift patungo sa Camp Navarro General Hospital sa Western Mindanao Command.
Ibinunyag naman ni Brig. Gen. Dolojan na kabilang sa mga napatay sa Abu Sayyaf ang sub-leader na si Abu Kek.
Narekober naman ng mga tropa sa nakubkob na kuta ay mga bandoleers, isang set ng PNP uniform, tatlong cellphones, sim cards, dalwang hand-held radios, dalawang magazines ng M14 na may 40 mga ammo, pitong camouflage hammocks, dalawang civilian bags at ilang mga personal na kagamitan.
Kinilala naman ni Cabangbang ang apat na sugatang sundalo na sina Pfcs. Frederick Valencia, Archie Tampipi, Raymond Sagmayao at Private Pejie Labargan.Verlin Ruiz
You must be logged in to post a comment Login