Away SIM

TUMITINDI ang away sa Senado kung dapat ba iparehistro ang mga SIM ng cell phones. May punto naman ang debate, subalit kailangang linawin sa publiko kung para saan nga ba ang panukala.

Gusto ni Senate President Juan Ponce Enrile na iparehistro muna ng may-ari ng prepaid numbers ang kanilang numero bago makapag-load.

Sabi naman ng pangulo ng Philippine Chamber of Telecom Operators, magkakaroon ng problema ang mga telcos sa pagpaparehistro ng 80 milyong prepaid user sa bansa.

Sa totoo lang ginagawa na ito ng marami, lalo na sa sistemang pasa-load. Kailangan na lang kunin ang pangalan ng nagpapa-load.

Pero para saan nga ba ang pagpaparehistro ng mga numero? May nagsabi na para maiwasan na gamitin sa kalokohan ang mga telepono. Aba, e kung gusto mo gumawa ng kalokohan ba’t ka naman gagamit ng teleponong nakarehistro?

Hindi natin kinakampihan ang mga telcos na umiiwas sa gastos. Alam naman natin na ayaw nilang ang pagpaparehistro ng SIM kasi mababawasan ang kanilang sako-sakong kita.

Subalit ang ayaw din naman nating mangyari ay ang magamit naman ng estado ang listahan ng mga numero upang panghimasukan ang ating “privacy.”

Isipin n’yo na lamang kung may isang listahan ng mga numero ng telepono at mga pangalan, e di kay daling manmanan ng ISAFP ang mga “I love You” n’yo sa inyong mga mahal sa buhay.

Mabuti pa noong wala pang cell phone. Di ba pwede mong hindi ipalista ang inyong numero sa directory?

Tama ang agam-agam na ipinahayag ng isang telco. Sayang lang ang kanilang oras at panahon kung pwede namang manloko ang mga terorista sa pagpaparehistro ng kanilang SIM.

Ano nga ba ang requirements sa pagpaparehistro ng numero ng cell phone?

Huwag daw mabahala. Ang Kongreso na ang gagawa ng listahan ng requirements, ayong kay Senador Enrile.

E paano naman ang “privacy” ng mga tao? Sino ang magrerehistro? Pwede ba sa kanto kung saan nagpapasa-load? Paano naman kung biglang pag-tripan ka ng tindera at gawin kang text mate sa hatinggabi. E di lagot kang bata ka!-Joe Torres

About admin

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply