Babae patay nang tamaan ng balang para kay kuya

NAMATAY ang isang tindera nang tamaan ito ng balang para sana sa kanyang nakatatandang kapatid, na siyang talagang target ng isang kaalitan.

Nangyari ang insidente noong Linggo (Pebrero 7) ng gabi sa Barangay West, Navotas City.

Hindi na umabot nang buhay sa Tondo Medical Center si Rosenda Fernandez, 39, may asawa, ng 127 Davila st. sa nabanggit na barangay.

Nagtamo ng isang tama ng punglo sa kaliwang ulo si Fernandez.

Ang suspek na si Manuel Marvilla, ng 138 Interior Davila st. ng nasabing lungsod, ay agad naaresto ng mga nagrespondeng awtoridad.

Agad sinampahan si Marvilla ng kasong murder.

Ayon sa imbestigasyong isinagawa ni PO2 Cristan de Lara, ganap na ika-8:30 ng gabi noong Linggo nang maganap ang insidente sa tapat ng bahay ng biktima.

Bago naganap ang pamamaril ay nagkaroon umano ng mainitang pagtatalo sa pagitan ng suspek at ang nakakatandang kapatid ng biktima na si Rogelio San Pedro.

Sa kalagitnaan ng murahan ng dalawa ay pumagitna umano ang biktima  upang payapain ang mga ito.

Sa puntong ito ay nagbunot ng  kalibre .38 revolver si Marvilla at pinaputukan si San Pedro.

Hindi tumama sa tunay na target ang bala at imbes ay si Fernandez ang nadale sa ulo.

Bagama’t itinakbo sa ospital ang biktima ay hindi na ito nakaabot pa nang buhay.

Tinangkang tumakas ng suspek, subalit agad itong nasakote ng mga rumespondeng awtoridad.

Nabawi sa suspek ang baril na ginamit sa krimen. Roger Panizal

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply