Bagong silang na sanggol ibinitin sa puno

CAMP VICENTE LIM – Bagamat nanghihina dahil sa kaiiyak at sa gutom, ligtas na sa panganib ang sanggol na babae na tinatayang humigit kumulang sa sampung araw pa lang na naipapanganak na isinabit ng walang pusong nilalang sa puno na malapit sa ilog sa bayan ng Pagbilao, Quezon noong Martes, Pebrero 22.

Ayon kay Brgy. Kagawad Elmer Reyes ng Brgy. Pinagbayanan, naglalakad umano ang ilang residente sa naturang lugar nang marinig ang malakas na pag-iyak ng sanggol malapit sa ilog kaya nagtulung-tulong sila upang mahanap ang pinanggagalingan nito.

Matapos ang ilang minutong paghahanap ay natunton din nila ang nagpapalahaw na sanggol na nakabalot sa tela at nakasabit sa puno.

Nabatid na nang ibaba nila ang kumikislut-kislot na tela ay tumambad sa kanila ang halos nangingitim at namamaos nang sanggol.

Agad dinala sa Jane Country Hospital ang sanggol na himala namang walang ibang pinsala sa katawan kaya nailabas din matapos ang pagsusuri at pansamantalang mananatili sa pangangalaga ni Kagawad Reyes.

Iniimbestigahan pa ng mga awtoridad ang pagkakakilanlan ng taong responsable sa pagsasabit sa sanggol. Hinihinalang bangag ito sa droga at napagtripang nakawin ang sanggol at isinabit sa puno.

Pinaghahanap na rin ang mga magulang ng sanggol upang mabatid kung may kinalaman sila sa sinapit ng kanilang anak. Gaynor Bonilla

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply