Bangketa ginawang FX terminal

SA KABILA ng mahigpit na kautusan ng Metro Manila Development Authority (MMDA) sa pagpapatupad ng tamang paggamit ng mga bangketa ay mayroong asosasyon ng FX sa bahagi ng Marcos Highway, Brgy. San Roque, Marikina City na tila binabalewala ang mahigpit na polisiya ng gobyerno.

Mismong ang pamunuan ng Jollibee na katabi ng FX terminal sa Marcos Highway kanto ng Felix Ave., Cainta, Rizal ay dumadaing dahil ang kanilang mga parokyano na may mga sasakyan ay nahihirapang pumarada at maging ang delivery truck ng nasabing food chain ay kinakailangan pang pakiusapan ang mga nakahambalang na sasakyan na bumibiyahe patungong Commonwealth Market sa lungsod ng Quezon.

Nabatid na pinasemento ng asosasyon ng FX ang may 30 metro kuwadrado na bangketa ngunit hindi umano alam ng Marikina City Engineering Office na inunahan na sila sa paggawa sa bangketa ng sinasabing mga tauhan ng isang Ginoong Ayala na siyang Pangulo ng samahan na sa ngayon ay isa na itong illegal terminal.

Kapansin-pansin din ang paghinto ng ilang mobile patrol car ng PNP, LTO at HPG sa terminal ng FX sa hindi malamang kadahilan habang ang mismong mga tauhan ng MMDA na nagsasagawa ng trapik sa lugar ay tila hindi pansin ang ginawang pag-okupa ng mga pampasaherong sasakyan.

Bukod dito ay iniaangal ng mga commuter ang labis na singil ng pamasahe dahil malayo o malapit ay parehas na P30.00 ang singil samantalang karamihan sa mga ito ay iba ang ruta at ang iba naman ay metered taxi ang prangkisa.

Kaugnay nito, ang isa pang illegal terminal na iniaangal dahil nagdudulot ng grabeng pagkakabuhul-buhol ng daloy ng trapiko ay ang pilahan ng jeep sa may Santolan station ng LRT sa Pasig City.

Sinakop na nito ang loading bay kung kaya’t hindi na makalabas ang mga sasakyan na magbababa ng kanilang ihahatid pasakay ng LRT at kinakailangan pang lumayo habang ang tinaguriang “Blue Boys” ng Pasig City ay mga naghambalang sa lugar at kitang-kita ang mahabang pila ng pampasaherong jeep ngunit tila balewala lang sa kanila. Cesar Barquilla

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply