Bong Revilla, Gary V., kinukuha rin ng TV5

PINALALAWAK  na talaga ni Manny Pangilinan ang kanyang imperyo at pagkatapos na mabalitang si Vilma Santos ay miniting na nito nang masinsinan para lumipat na sa kanyang TV5 dahil magrereyna ang aktres sa istasyon, marami pa ring bituin ang nais mapabilang ng may-ari sa himpilan.

Kung sina Sharon Cuneta, Kris Aquino at Ai Ai de las Alas ang mga reyna ng ABS-CBN  ay gagawin ding bidang-bida ng Channel 5 si Vilma.

Bilyung-bilyong piso umano ang gagastusin ni Pangilinan para sa kanyang pagkuha sa Vilma na gaganap sa isang palatuntunang maipapakita ang kahusayan nito sa pag-i-emcee ng programang pam-public service at pan-showbiz, ang dalawang larangang magkaugnay at magkapatid.

Pero siyempre’y si Santos ay mananatili pa ring may ugnayan sa Dos dahil gagawin pa nga niya ang isang suspense thriller para sa Star Cinema.

***

Binubusisi na ang dulang pampelikula ng obrang ito na ididirek ni Chito Roño, ang orihinal na may hawak ng proyektong ito para sa kumpanya nina Gabby Lopez, Charo Santos-Concio at Malu Santos.

Natagalan nga lang ang opisyal na pagsisimula ng pelikulang ito dahil hinintay pa ang libreng oras ni Vi sa kanyang pang-araw-araw na iskedyul bilang gobernador  ng Lalawigan ng Batangas.

Ngayon ay handang-handa na ang tinaguriang Star for All Seasons sa paggiling ng mga kamera ni Chito dahil matagal na rin niyang in-oo-han ang isang ito dangan nga lamang at inaayos niya nang maige ang kanyang mga opisyo sa Batangas.

Nakipagmiting na si Baby Vi sa mga big bosses ng Star Cinema para sa pagsisimula ng pelikula sa Hunyo.

***

At alam ba ninyong makakasama ni Ate Vi sa pelikula ang matagal na ring naghihintay na makatambal niya sa pelikula na si Sharon Cuneta?

Ayon sa isang malapit kay Vilma, ngayon ay nasagot na ang kanyang katanungan kung bakit nagpapapayat nang husto si Sharon bukod pa sa pagganap nito sa isang palatuntunang pantelebisyon na tungkol sa matataba.

Hindi lingid sa karamihan na isang masugid na tagahanga ni Santos si Cuneta kaya naman nananabik na itong makasama ang idolo sa kanilang pag-arte sa harap ng kamera.

***

Nang magdiwang naman ng kanyang kaarawan si Willie Revillame kamakailan ay espesyal na panauhin si Gabby Concepcion.

Ano naman ang pulitikal na ekonomiyang kaugnayan nito sa bawat isa nina Willie at Gabby? Siyempre’y isa sa maiinit na alaga ng TV5 si Revillame at ito ang padrino umano ni Concepcion sa paglipat sa Singko.

Nagbati na rin umano sina Gabby at ang kanyang naging talent manager din na si Mommy Rose Flaminiano.

Rigodon de honor na naman ng mga artista na hindi na bago sapul pa nang maimbento ng makina ng telebisyon.

***

Inaawitan na rin umano ng TV5 sina Gary Valenciano at Ramon “Bong” Revilla, Jr., ang isa sa mga senador ng Pilipinas, na mapunta na ang mga ito sa network ni Manny.

Pinapamadali na ang paglipat ng mga ito dahil nga sa matinding labanan ng mga istasyon sa mga sandaling ito.

Makumbinsi naman kaya sina Santos, Concepcion, Bong at Gary sa alok ni Manny? Boy Villasanta

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply