BSP kinalampag sa interest rates

MAGKAKAROON ng magandang epekto sa pangkalahatang ekonomiya kung itataas ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) ang ipinapatong na tantos ng interes sa pautang dahil lumalakas ang halaga ng piso kontra dolyar.

Ganito ang pagtataya ni Sen. Ralph Recto kung itataas ng BSP ang sinisingil na tantos ng interes sa kanyang kliyente na magpapalakas pang lalo sa halaga ng piso at tugunan ang lumolobong halaga ng langis at pagkain.

Tinataya ng Hong Kong and Shanghai Banking Corp. (HSBC) na lalakas ang piso sa taong ito at susunod na taon na may peso-dollar exchange rate na P37.50 kada dolyar sa 2011 at P35.50 sa 2012 o mas mahusay sa sariling pagtataya ng BSP na P42 hanggang P45 kumpara sa greenback.

Umiikot lamang sa 43.27732 hanggang P43.4065 ang kalakalan sa US dollar sa pagbubukas nitong linggo.

Ayon kay Recto, inaasahan ng marami na babaguhin ng BSP ang pangunahing interest rates upang maibsan ang epekto ng implasyon sanhi ng tumataas na halaga ng gatong at pagkain.

Naniniwala si Recto na kung babaguhin ng BSP ang rates, maaaring samantalahin ng gobyerno ang resulta sa paglakas ng piso at tugunan ang lumolobong presyo at implasyon.

Tinatayang aabot sa 3-5 porsiyento ang tantos ng implasyon sa taong ito mula sa 3.8 porsiyento nitong nakaraang taon.

Nitong Enero, umabot sa 3.5 porsiyento ang tantos ng implasyon.

Nitong Martes, nagtaas ng 50 sentimo ang mga kompanya ng langis kada litro na isinisisi sa delikadong suplay ng petrolyo sanhi ng sitwasyon sa Gitnang Silangan na dinudurog ng protesta sa mga matatagal na despotic regime.

Sa ngayon, umaabot sa 4 porsiyentong interes ang sinisingil ng bangko kung uutang ang BSP sa overnight lending, at 6 porsiyento naman kung magpapautang ang BSP sa pribadong bangko o large clients. Ernie Reyes

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply