Buhay milyonaryo sa panggagantso

MARAMING reaksiyon ang natanggap ng Chokepoint tungkol sa ‘energy saving device’ na ginagamit sa panloloko sa mga kababayan natin.

Sila pala’y nagantso rin dahil nakabili ang mga ito ng energy saving gadget na sa bandang huli ay nalamang peke o walang bisa.

Ang akala’y  mababawasan ang bayarin sa napakataas na halaga ng kuryente gamit ang nasabing produkto ng Minisun Marketing.

Pero huli na ang lahat nang kanilang mabatid dahil ang nagbenta ng produkto ay hindi na nila makita sa ibinigay na address.

Kuwento sa Chokepoint, nakita nila ang mabagal na pag-usad ng metro ng kanilang kuryente sa ipinakitang demonstrasyon.

Pero sa bilis at galing ng nagbebenta ng naturang gadget at sa pagnanais na mabawasan ang konsumo, sila’y kaagad na naingganyo.

Bukod sa nakausap nating biktima, dalawang ‘informant’ na batid ang kalokohan sa energy saving device modus ang nagsadya sa atin.

Pinatotohanan nila ang ‘di masawa-sawatang panggagantso ng Minisun Marketing na pag-aari, anila, ng isang ‘Eddie Javier.’

Ang dating ‘Eddie Javier’ na ito raw ay mahirap lamang pero dahil sa galing nitong manggantso ay dumani ang pera at ari-arian.

Pero may bumabagabag sa kanilang isip dahil sa kabila ng lantarang operasyon ni ‘Mr. Javier’ ay ‘di ito hinuhuli ng awtoridad.

Isinumbong na raw ito sa Criminal Investigation and Detection Group at National Bureau of Investigation.

Ngunit ‘di naman daw sinasaling, bagkus nakikita pa raw ang ilang pulis at NBI agents na kasama ng may-ari ng Minisun.

Aba eh, ang sabi ko sa dalawang nagsadya sa atin, magsuspetsa na kayo sa kapulisan at NBI, baka nalalagyan na ang mga iyan.

Sa sobrang mahal ng halaga ngayon ng kuryente, sasamantalahin ng mga tauhan ni ‘Mr. Javier’ ang pagbebenta ng energy saving gadget (kuno).

Kaya, muli, ang babala natin, huwag pansinin ang mga nag-iikot sa mga bahay-bahay at nagbebenta ng energy saving device.

Imbes na bumili, tumawag kayo ng pulis at ipahuli ang mga  nagbebenta ng gadget.-Bong Padua

loading...

About admin

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply