Buhay pababa nang pababa at pasama nang pasama

NASUBUKAN na ba ninyo ang mangapitbahay at sumagap ng kahit konting tsismis?

Nagtatanong tayo lalo na sa mga taong siyudad na karaniwan nang hindi kakilala kahit ang mga kapitbahay nila neks dor o katapat lang ng kanilang pintuan.

Sa mga lugar naman kasi na angkan-angkan ang mga nakatira, hindi mo kailangan ang sumagap ng tsismis dahil amoy pa lang ng iyong kili-kili ay mas mabilis pa sa ala-una na dumarating sa barangay at nilalantakan nina kapitan, kagawad at mga tanod.

oOo

Kung kayo’y nangangapitbahay, alam ba ninyo ang mga bukambibig ng iyong mga neybor?

Sa amin, kagipitan sa buhay ang maririnig sa nakararaming kapitbahay.

Hindi gaanong nararamdaman ito ng mga nasa kol senter dahil kahit papaano ay lagpas sa minimum weyds ang kanilang kita.

Pero mabibilang mo lang sa daliri ang mga ito. Patunay rito ang rekord na daang libo lamang sila kumpara sa nasa 36 milyong kabuuang bilang ng mga obrero.

Ang nakararami ay tindero at tindera sa mga palengke, bangketa at iba pa. Selsledi sa mga mol o drayber naman ang iba.

Yung iba ay paktori worker o sakada o mandaragat o magsasaka. Meron ding mga dyanitor o messenger, wetres o weyter o istewardes.

Yung iba, mga nars o empleyadong kaswal nina PNoy, gob, meyor at kapitan.

Oo, Suki, kagipitan at kalam ng sikmura ang higit ninyong maririnig.

oOo

Siyempre pa, lumulutang ang katanungan kung may ibinubunga na na “kung walang korap, walang mahirap” ni PNoy.

Malalaman mo na waepek pa.

Waepek na nga, pababa nang pababa at pasama nang pasama pa ang buhay.

PNoy, bakit?

Bakit nga ba, huh?-Rey Briones

loading...

About admin

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply