Buwis sa softdrinks isinulong sa Kamara

MANGONGOLEKTA ang gobyerno ng P5 buwis base sa aktuwal na retail price kada litro ng foreign brand softdrinks habang P3 naman ang kukunin sa local brand softdrinks.

Ito ang nilalaman ng panukalang isinulong ni Kasangga partylist Rep. Teodorico Haresco Jr. sa  Kamara na naglalayong mapagkunan din ito ng pondo para sa munisipyo at sa national government.

Nakasaad sa panukala ni Haresco na 20% ng excise tax ng softdrinks ay mapupunta sa siyudad o munipalidad kung saan nakolekta ang buwis samantalang ang (80%) ay mapupunta sa national government.

Mahalaga aniyang magkaroon ng pagkukunan ng  pondo para makalikom ng  salapi para sa pangangailangang rehabilitasyon ng mga  pampublikong hospital at  center sa bansa.

Hiniling din sa panukala   ang  pag-amyenda sa Chapter III, Title VI ng National Internal Revenue Code of 1997 para maidagdag ang softdrinks sa listahan ng mga  produkto na lalagyan ng excise tax.

Nakasaad sa National Internal Revenue Code of 1997 na ang softdrinks na kinilala bilang non-alcoholic beverage ay binubuo ng “carbonated water and flavored with some kind of sweetener.”

Nakasaad sa Haresco bill na saklaw din ang softdrinks na “carbonated o noncarbonated” maging ito man ay gawa mula sa kung saan at kung paano ito naproseso. Beth Aragon

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply