Call, text bawal na habang nagmamaneho

MAHIGPIT nang ipagbabawal ang paggamit ng cellular phone partikular ang paggawa ng text messages at pakikipag-usap gamit ito habang nagmamaneho.

Ganito ang nilalaman ng Senate Bill No. 2709 na inakda ni Sen Manny Villar na nag-aatas sa awtoridad na dakpin, pagmultahin o kaya’y ikulong ang sinumang driver na mapatutunayang gumagamit ng cellphone habang nagmamaneho.

Ayon kay Villar, tumataas ang datos na naitala ng Philippine National Police (PNP) ng mga aksidenteng kinasasangkutan ng paggamit ng cellphone dahil nagsisilbing distraction sa pagmamaneho ang pagbabasa ng mensahe o kaya’y pakikipag-usap.

Sa report ng Philippine Global Road Safety Partnership (PGRSP) at Philippine National Police (PNP), ang cellphone-related accidents ay may 70 kaso lamang noong 2008 subalit tumalon ito sa 491 kaso noong 2009.

“Since the necessity of using mobile phones does not prevail over the need to ensure road safety, this bill proposes to regulate the use of mobile phones while driving,” paliwanag ni Villar.

Sa ilalim ng panukala, papayagan lamang ang paggamit ng cellphone habang nagmamaneho ng sasakyan kung may nakakabit na accessories tulad ng earphone, microphone o jack na may kakayahan na magpadala at tumanggap ng mensahe.

Pahihintulutan din ang paggamit ng cellphone kahit walang accessories kung emergency ang pakay ng tawag.

Ang sinumang lalabag sa panukalang ito ay pagmumultahin ng P 1,000 sa unang paglabag, P 3,000 sa ikalawang paglabag, at P 10,000 sa ikatlo at mga susunod na paglabag bukod pa sa pagkakulong ng hanggang isang taon. Ernie Reyes

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply